Pinatay ng pulitika?
YEAR 2001 pa lamang ay pinirmahan na ni Gng. Gloria Arroyo ang Ecological Solid Waste Management Act, R.A. 9003. Sa ilalim ng batas na ito, dapat ay sa loob ng 5 years o hanggang 2006 ay naphase-out na ng mga Local Government Unit (LGU) ang lahat ng open dumpsite at controlled dumpsite at napalitan ng sanitary landfill.
Year 2004 nang ginawa ng Office of the Ombudsman ang posisyon ng Environmental Ombudsman upang masiguro na ang lahat ng environmental laws ng bansa, kasama ang RA 9003, ay sinusunod. Layon nitong kulitin ika nga ang mga LGU na bilis bilisan ang kilos at kung hindi’y malilintikan sila. May parusang fines and imprisonment ang sinumang hindi sumunod sa tinakda ng batas. Pakitang gilas pa nga noon ang Environmental Ombudsman, kasama ang National Solid Waste Management Commission (NSWMC), na nag-release pa sa publiko ng “Shame List” ng mga pasaway na LGU na nagpapatakbo pa rin ng open o controlled dump nang lampas na sa deadline. Nagpadala pa ng demand letter na kung hindi sumunod ay sasampolan sa mata ng publiko.
Ang resulta? Sa huling bilang ng NSWMC, 10 years matapos ipasa ang RA 9003 at 5 years matapos ang deadline, 790 pa rin ang open dumpsite sa bansa at 382 naman ang controlled dump. Ang Irisan ng Baguio ay isang open dumpsite.
Tingnan lang ang compliance ng LGU ay makikita na kung ito’y lumabag o sumunod sa batas. Hindi tulad ng karaniwang krimen na pagsampa sa piskal ay kailangan pang patunayan na may probable cause, dito ay malinaw agad kung may sala o wala. Kung may open dump ka pa rin, guilty ka! So bakit walang kinakasuhan?
Ang NSWMC ay pinamumunuan ng Secretary of Natural Resources. Matagal nang nasa kanya ang listahan ng mga delinkwente. Dati na syang nasa DENR, panahon pa ni GMA. Hindi pa ito kumpirmado sa Commission on Appointments. Siempre, ayaw niya munang may maapakan. Sana nama’y wala itong kinalaman sa kanyang matumal na pagkilos sa pagpananagot sa nagkukulang na LGU. Mahirap naman isipin na ang mga namamatay sa pagguho ng dumpsite ay pinatay lang ng pulitika.
Panawagan kay Ombudsman Conchita Carpio Morales: Huwag nang hintaying magsampa pa ng kaso ang DENR. 790 open dumps at 382 controlled dumps still operating. Ano pa ang iniintay? Patrabahuin na ang mga bago niyong abogado. Umpisahan na ang paglitis.
- Latest
- Trending