NANG hingan ng komento si Rep. Teddy Casiño hinggil sa katatapos na China visit ni P-Noy, ang sagot niya “wait and see muna para malaman kung magbubunga ito.” Of course hindi naman antimanong matapos ang state visit ay naririyan na ang resulta.
Pero marami ang umaasang magbubunga ito ng positibong resulta upang umangat ang ekonomiya ng bansa. Nakita ng marami ang sinseridad ng Pangulo sa katatapos na state visit. Wika nga ni Executive Secretary Paquito N. Ochoa, Jr. walang sinayang na sandali ang Pangulo sa paghikayat sa mga negosyanteng Tsino na mamuhunan sa bansa. Nagkaroon siya ng sunod-sunod na pakikipagpulong sa business sector ng China sa loob ng kanyang 5-day mission.
Magkasunod na pinulong ni P-Noy ang mga pinuno at kinatawan ng malalaking negosyo sa Tsina na pina-ngungunahan ng State Grid Corporation, Energy World Group, China Trend, at LED Chinese Contractors. Sa mga naturang pulong ni P-Noy, kasama ang mga negosyanteng Tsino, sinabi ng Executive Secretary na binigyang-diin ng Pangulo na paiiralin ng gobyerno ng Pilipinas ang “Four Rights Principle” kaugnay ng pagla-lagak ng dayuhang puhunan sa bansa.
Kasama sa “Four Right Principles” ang tamang proyekto, tamang halaga, tamang dami, at nasa tamang pa nahon para makaakit ng maraming pamumuhunan, lalo na sa larangan ng turismo, imprastruktura, at pagsasaka.
Labis-labis umano ang pagpapasalamat ni P-Noy sa mga kompanyang Tsino na mayroon nang inilagak na puhunan sa Pilipinas at “naglambing” na lamang ang Punong Ehekutibo sa mga ito na kung maaari ay dagdagan na lamang ang puhunan. Nais ng Pangulo na magkaroon ng balance of trade dahil ang kalakalan ng dalawang bansa ay masyadong nakakiling o pabor sa China.
Ngayong nakabalik na si P-Noy sa bansa inaasahan agad siyang makikipagpulong sa mga economic experts ng administrasyon upang hindi masayang ang anumang nakamit ng gobyerno sa ilang araw na pagbisita sa Tsina. Naipakita rin ni P-Noy sa mga negosyanteng Tsino ang kanyang paninindigan laban sa tinatawag na “bureaucratic red tape” na isa sa mga sanhi ng pagbagal ng pagpasok ng puhunan sa bansa.
Ani Ochoa, kasama sa mga magiging patakaran ng Pangulo ang pagbawas sa kung ano-anong rekesitong hinihingi sa mga dayuhang mamumuhunan.