NAGSAMPA ng kasong plunder laban kay Sir Senyor Don Jose Miguel Pidal Arroyo, dating Department of Interior and Local Government Secretary Ronaldo Puno, former PNP Chief Jesus Versoza, ilan pang mga retirado at aktibong opisyal at tauhan ng PNP, kay Ginoong Archibald Po ng Lion Air, Larry De Vera ng Maptra at Renato Sia ng Asian Spirit ang Philippine National Police tungkol sa mga second hand na helicopter na pinasa bilang bago sa pambansang pulisya.
Sinampa ng kasalukuyang liderato ng PNP ang kasong plunder sa opisina ng Ombudsman at dinamay sa demanda si Ginoong Po, De Vera at Sia. Mukhang nakalimutan nila na kung hindi nagsalita ang tatlo, lalo na si Ginoong Po ay hindi nila masasampahan ng kahit traffic violation si Senyor Miguel Arroyo.
Isa ho ako sa kumumbinsi kay Ginoong Po na lumabas at sabihin ang katotohanan kahit na malalagay sa pa-nganib ang kanyang buhay. Ang isa pa ho ay si Ginoong Jarius Bondoc ng Philippine STAR na kasama ko ring kumumbinsi noon kay Joey de Venecia na ibulgar ang ZTE-NBN deal.
Lubos akong nagtataka kung bakit mukhang nagmamadali ang PNP na magsampa ng kaso at idamay ang mga taong dahilan kaya nagkaroon ng ebidensiya laban kay Senyor Miguel Pidal Arroyo. Nakakalimot din yata ang PNP na hindi pa tapos ang imbestigasyon ng mga senador. Siyanga pala, ang mga senador na unang nagbulgar ng isyung ito ay ang mga senador na sina Panfilo Lacson, Serge Osmeña at TG Guingona.
Malabo itong ginawa ng PNP, bakit nila inimbistigahan ang sarili at kumilos ng solo, hindi ba dapat ibang ahensiya para hindi masabing may pinagtatakpan sila. Sa ginawa nilang ito, paano kung mahina ang ebidensya na pinasok nila.
Sana lang mali ang aking hinala.
* * *
Para sa anumang reaksyon, suhestiyon text lang sa 09498341929 o e-mail sa nixonkua@ymail.com