Post mortem ng China state visit
HABANG isinusulat ang kolum na ito pabalik na ng bansa si Presidente Noynoy mula sa limang araw na state visit sa China. Mismong ang Pangulo ang nagsabing “tagumpay” ang kanyang pagdalaw.
Inaasahan na sa mga naabot na kasunduan, aabot sa US$60 bilyon ang magiging taunang kalakalan ng Pilipinas at Tsina at hindi bababa sa US$1.5 bilyon na cumulative two-way direct investment sa 2016. Ito’y matapos lagdaan ng dalawang bansa ang Five-Year Development Program for Trade and Economic Cooperation noong nakaraang Miyerkules sa China World Hotel.
Ayon kay Executive Secretary Paquito Ochoa sinaksihan mismo nina Pangulong Noynoy Aquino at Pangulo ng Tsina na si Hu Jintao ang paglagda nina Department of Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario para sa National Economic Development Authority (sa ngalan ng gobyerno ng Pilipinas) at ng isang kinatawan ng Trade Ministry ng People’s Republic of China (sa ngalan naman ng isa sa mga bansa na mayroong pinakamalaking ekonomiya).
Nilalayon umano ng Philippine-China Five-Year Development Program na isulong ang mabilis, matatag, at maayos na pag-unlad ng kalakalan at pagtutulungang pangkabuhayan sa pagitan ng dalawang bansa, palawakin ang saklaw at pag-ibayuhin pang lalo ang pagtutulu-ngan, abutin ang pagkakaroon ng balanseng kalakalan na parehong kapakipakinabang sa dalawang panig, at maging daan para sa pagkakaroon ng kaunlarang panlipunan at pangkabuhayan sa kani-kanilang bansa.
Ayon kay Ochoa, kasama rin sa mga layunin ng programa na palawakin at lalo pang patatagin ang ugnayan sa ekonomiya at kalakalan sa pagitan ng Pilipinas at Tsina, isulong ang pantay na pangkalahatang pag-unlad sa pagitan ng dalawang bansa, at ilatag ang matibay na pundasyon para sa pagkakaroon ng estratehikong tambalan na naghahangad ng kapayapaan at pag-unlad.
Tinukoy rin ng dalawang gobyerno ang siyam na
mahahalagang larangan na sakop ng pagtutulungan sa susunod na limang taon. Ito ay ang pag sasaka, pangisdaan, imprastruktura at gawa- ing pambayan, pagmimina, enerhiya, teknolohiya sa impormasyon at komunikasyon, pagproseso at pagmamanupaktura, mga serbisyo sa engineering, at forestry.
- Latest
- Trending