P25-milyong China trip
TUBONG-LUGAW. Ganito inilarawan ng Malacañang ang limang araw na state visit ni Presidente Noynoy Aquino sa People’s Republic of China na pinagkagastusan ng P25 milyon.
Sa mata ni Juan dela Cruz, napakalaking halaga na nito. Isang kapitbahay ang nagtatanong sa akin kung makatuwiran bang gastusan ng milyun-milyon ang paglalakbay ng Pangulo sa ibang bansa.
Siguro nga’y hindi kung ito’y isang pleasure trip. Ngunit kung ang pinupuntirya ay $7 bilyong pamumuhunan ng mga negosyanteng Tsino sa Pilipinas, tubong-lugaw ngang maituturing ito. Ayon kay Executive Sec. Paquito Ochoa, ang state visit ni P-Noy ay katatampukan ng pag-uusap sa pamumuhunan at pakikipagkalakalan sa bansang ikalawa sa may pinakamalagong ekonomiya sa mundo. Huwag isnabin ang China. Trilyong dolyar ang utang ng Amerika sa bansang ito na dati’y tinaguriang sleeping giant. Nagising na ang higante.
Lumisan ang Pangulo kamakalawa ng gabi kasama ang delegasyong pinamumunuan nina Foreign Secretary Albert Del Rosario, Trade and Industry Secretary Gregory Domingo, Finance Secretary Cesar Purisima, at Energy Secretary Rene Almendras.
Kasama rin ni P-Noy sa kanyang biyahe patungong China ang mahigit sa 200 kinatawan ng iba’t ibang negosyo sa Pilipinas na umaasa na makapagsasara ng malalaking kontrata roon.
“The primary objective of the President’s visit is to further strengthen bilateral ties between the Philippines and China, especially in the aspect of trade and commerce,” ani Ochoa.
Masyado nang impluwensyal ang China dahil sa lakas at yaman nito. Maganda ang layunin ng state visit pero huwag lang sanang brasuhin ang Pilipinas para yumukod sa mga kagustuhan nito kapalit ng hinihingi nating pabor. Ayokong maging totoo sa atin ang kasabihang ang nagigipit ay sa patalim kumakapit. Huwag naman sana.
- Latest
- Trending