Editoryal - Basurahang Manila Bay
HANTUNGAN ng basura ang Manila Bay. Ang lahat ng basurang itinapon ng mga probinsiyang nakapaligid sa Manila Bay ay sinasalo lahat ng kawawang dagat at iniluluwa sa Maynila. Kapag masama ang panahon, itutulak nang malalaking alon ang mga basura at ang mga taga-Maynila ang apektado. Umaabot ang basura sa Roxas Boulevard kapag malalaki at matataas ang alon. Noong Martes, maraming trak ng basura ang nakuha sa baybayin. Sari-saring basura --- plastic bags, botelyang plastic ng softdrinks, styro, noodle cups, tarpaulin, at marami pang iba. Ang Manila City Hall at Metro Manila Development Authority (MMDA) ang nagsagawa ng paglilinis ng basura. Nagmistulang dagat ng basura ang Manila Bay makaraang humagupit ang bagyong “Mina”.
Dalawang linggo na ang nakararaan, nagsagawa rin ng paglilinis ang mga empleado ng Bureau of Immigration sa baybayin ng Manila Bay at marami rin silang nakolektang basura. Mai-imagine kung gaano pa karaming basura ang nakalutang sa Manila Bay na kapag sumama ang panahon ay itinutulak sa Maynila. Ilang trak pa kaya ng basura ang makukuha sa Manila Bay bago magkaroon ng solusyon o bago matuto ang mga tao na huwag gawing basurahan ang mga ilog, sapa at iba pang daluyan ng tubig. Kapag nagtapon sa ilog o sapa, aanurin ito patungo sa dagat. Ang itinapon sa Laguna, Cavite, Rizal at iba pang malapit na probinsiya na nakapaligid sa Manila Bay ay tatangayin sa dagat. At ang Maynila ang napeperwisyo sapagkat sa baybayin nila humahantong.
Kawawang Manila Bay na ginawang basurahan. Malaking problema ang basura na kailangang masolusyunan. Kapag hindi nadisiplina ang mga tao sa pagtatapon ng basura, kawawa ang lahat. Babalik at babalik ang lahat ng itinapon at ang mga ito ang papatay o pupuksa sa sanlibutan. Kailangang ipatupad ang maayos na pagtatapon ng basura. Ang mga mayor at mga pinuno ng bayan o barangay ang dapat manguna rito. Nasa kanila ang kapangyarihan.
- Latest
- Trending