MAY karapatan ang dalawang kamara ng Kongreso (Senado at Mababang Kapulungan) na magsiyasat sa mga iregularidad at anomalya. Ngunit hindi ito para usigin at ipakulong ang mga nagkakasala kundi upang bumuo ng batas na makahahadlang sa mga anomalya. Wika nga nila “in aid of legislation.”
Pero where do we draw a line between politicking and legislating laws? Mahirap tukuyin. Madalas mapulaan ang ating Kongreso sa mga ginagawa nitong imbestigasyon. Pati mga mambabatas ay hindi na magkasundo sa ginagawang imbestigasyon sa sari-saring isyu lalu pa’t sangkot ang mga high officials ng nakalipas na administrasyon. Si Sen. Miriam Santiago halimbawa ay todo patutsada kay Sen. Ping Lacson dahil sa isinasagawang imbestigasyon ng komite ng huli sa mga isyu ng katiwalian ng nakalipas na administrasyon ng ngayo’y Pampanga Rep. Gloria Arroyo.
Hindi ko sinasagkaan ang karapatan ng Kongreso sa ganyang uri ng mga pagsisiyasat. Pero sa dinami-dami ng mga imbestigasyong tinatawag na “in aid of legislation” karamihan sa taumbayan ay bumabatikos na rin sa institusyong dapat sana’y paggawa ng batas ang inaatupag.
Ayaw nang magkomento ni Lacson sa mga pasaring ni Miriam. Aniya hindi niya idi-dignify ang pang-iinsulto ni Santiago sa kanilang isinasagawang imbestigasyon. Ani Lacson, kasama sa kanilang trabaho ang pagsasagawa ng mga imbestigasyon upang makapagpasa ng mga kinakailangang batas na susugpo sa katiwalian.
Bukod kay Santiago kabilang sa mga tutol sa sunud-sunod na imbestigasyon ng Senado si Senator Joker Arroyo dahil hindi na umano “in aid of legislation” ang nangyayari.
Kung hindi lang mamamayan kundi mga kapwa senador ang nakapapansin nito, dapat marahil repasuhin ng Senado ang paraan ng pagsisiyasat. Kapuna-puna kasi na dahil sa mga ganyang congressional probes, ang mga taong sinisiyasat ay napapahiya at mukhang nasasaling na ang karapatang-pantao. Totoong nabibiktima sila ng trial by publicity.
Lubha kasing matatalas ang dila ng ilang mambabatas na daig pa ang mga prosecutors at huwes sa pagkondena sa mga taong kanilang iginigisa.