PAGBALIK daw ni President Noynoy Aquino galing China ay ihahayag na kung sino ang kapalit ni Customs Commissioner Angelito Alvarez. Pero malakas na ang bulung-bulungan na si dating congressman Ruffy Biazon ang magiging kapalit ni Alvarez. Si Biazon ay kapartido ni P-Noy at kumandidatong senador noong 2010 elections.
Ngayong out na si Alvarez, ang tanong ay kung magkakaroon na nang pagbabago sa Bureau of Customs na sa tindi ng corruption ay nagiging Bureau of Custong. Matagal nang kasabihan na ang mga nagtatrabaho o empleado sa Customs ay may sakit na “Hepa”. Paano’y pawang naninilaw sila dahil sa dami ng alahas sa katawan. Matataba ang gintong kuwintas na nasa leeg. Ultimong janitor at pulis sa nasabing tanggapan ay namumitiktik ang bulsa dahil sa katiwalian. Ang mga karaniwang empleado sa Customs ay may mga paupahang apartment at may mga sasakyan. Marami na ring opisyal at empleado sa Customs ang kinasuhan dahil sa katiwalian subalit mga “maliliit” lang sila at yung mga “balyena” ay patuloy na nakakaalagwa.
Ngayong magkakaroon ng bagong Customs chief, ano kaya ang mga gagawin niya para masugpo ang katiwalian sa nasabing tanggapan. Magkakaroon kaya siya ng malawakang paglilinis sa napakaruming Customs? Sisibakin kaya niya ang mga sangkot sa nawawalang 1,900 container vans?
Nagsasawa na ang taumbayan sa hindi malutas na problemang corruption sa Customs. Lagi na lang kapos ang koleksiyon sapagkat mas maraming nakakalusot na kargamento na dapat ibinabayad ng buwis. Pawang sa bulsa ng mga tiwaling opisyal at empleado napupunta ang dapat ay sa buwis.
Malaking responsibilidad ang hinaharap ng bagong Customs chief at nararapat na mayroon siyang matigas na dibdib at matalas na ngipin para mapagtagumpayan ang laban sa mga tiwali. Kung wala siyang matibay na dibdib at matalas na ngipin, huwag na lang niyang tanggapin ang puwesto sapagkat maaaring matulad lang siya sa mga naunang Customs chief na walang nagawa at naging tau-tauhan lang.
Ang unang dapat gawin ng bagong Customs chief ay ang malawakang revamp. Mula sa itaas, pababa ay alisin niya. Tapyasin lahat!