NAWA’Y tumimo sa isipan at damdamin ng sambayanang Pilipino ang kahalagahan ng dalawang magkasunod na holiday sa ating bansa ngayong buwan – ang Araw ng mga Bayani (Agosto 29) at Eid’l Fitr o pagtatapos ng Ramadan (Agosto 30).
Tayong lahat ay marapat magpugay sa ating mga ba-yani na nagsakripisyo upang maging malaya ang ating bansa. Isang nagpapaalala nito ay ang makasaysayang Pinaglabanan Shrine sa San Juan City kung saan naganap ang unang pagsalakay ng mga rebolusyonaryong Pilipino sa mga Kastila noong Agosto 1896 na nagpaalab nang husto sa mamamayan para makibaka sa kalayaan.
Sa pagdiriwang naman ng Eid’l Fitr ay nakikiisa tayo sa makabuluhang okasyong ito para sa mga kapatid na Muslim. Ang okasyong ito ay itinuturing na kulminasyon ng Ramadan bilang pagdadalisay ng katawan, kalooban at isipan. Gayundin ng paghingi nila ng pagpapatawad sa naging kasalanan nila.
Ang gawaing ito ay para sa pag-iibayo pa nila ng pagmamahal sa pamilya, kaanak, kapwa at kay Allah at sa pagpa-patibay at pagpapalaganap ng espiritwalidad at kabutihan.
* * *
Bumabati ang Estrada family kay Renee Agnes O. Vizmanos (2nd year student ng Quezon City Science High School) na kabilang sa delegasyon ng Pilipinas na nagwagi ng 3rd Honors sa dalawang kategorya ng kompetisyon sa 2011 China Junior High School Math Olympiad na ginanap sa Beijing Jingshan School sa Beijing, China noong Agosto 10-15, 2011 sa pamamagitan ng paggiya ng Mathematics Trainers’ Guild (MTG) Philippines. Si Renee Agnes ay anak nina Reggie at Abi Vizmanos ng Novaliches, Quezon City.