Danyos sa HK hostages, tungkulin ng Pilipinas
NAGNGINGITNGIT pa rin sila, anang mga biktima at kamag-anak ng mga napatay at nasaktang taga-Hong Kong sa Luneta hostage-taking nu’ng Agosto 2010. At naiintindihan natin kung bakit. Kasi walang hustisya. Hindi pinarusahan ng Pilipinas lahat ng maysala at pu-malpak sa insidente, kaya hindi natin matiyak sa kanila na hindi ito mauulit. Hindi rin binayaran ng Pilipinas ang pagkawala ng mga minamahal at ang kahirapan na sinapit ng mga biktima.
Tungkulin ng gobyerno natin na magparusa at magbayad sa gan’ung sitwasyon, ani Atty. Dennis Funa. Batay sa International Law, aniya, may responsibilidad ang isang estado sa kapwa estado, lalo na sa wastong pagtrato sa mga banyaga. Sa kambal na doktrina, “Obligasyon ng estado sa kapwa estado na managot sa mga pagkakamali ng una sa mga mamamayan ng huli.” Ipinatupad ito simula Agosto 2001, nang maaprobahan ng International Law Commission.
Kung maaalala, bumuo si President Noynoy Aquino ng Incident Investigation and Review Committee sa ilalim nina Justice Sec. Leila de Lima at Interior Sec. Jesse Robredo. Nagrekomenda ito ng pagdisiplina sa mga pinunong pambansa, politiko at pulis na sumablay o nakagulo sa pagliligtas ng hostages.
Marami sa mga inilista na sampahan ng kaso ay mga kaibigan ni President Aquino. Kaya hindi niya sinunod ang buong rekomendasyon, kundi konti lang.
Halimbawa ng huli ay ang paghabla sa kapatid na pulis na Gregorio Mendoza ng hostage taker na pulis ding Rolando Mendoza, at sa deputy ombudsman Emilio Gonzalez. Pero miski ang hostage taker ay hindi nilistang salarin, kaya hindi maka-singil ang mga biktima ng danyos perhuwisyo mula sa kanyang estate.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: [email protected]
- Latest
- Trending