Editoryal - Magarbong oath-taking
MABUTI naman at naisip ng Philippine Regulation Commission (PRC) na alisin na ang magarbong mass oath-taking ng mga nakapasa sa nursing board examination ngayong taon na ito. Ayon sa Department of Labor and Employment, wala nang mass oath taking para sa mga bagong nurses. Ito ay bilang pagsunod sa kampanya ng gobyerno na magtipid. Ayon kay Labor secretary Rosalinda Baldoz, nag-isyu na ng withdrawal ang Board of Nursing (BON) para sa mga hinihinging congratulatory and inspirational messages mula sa top government officials na ilalathala sa souvenir program. Ayon pa kay Baldoz, malaking pera ang matitipid ng gobyerno sa hindi pagdaraos ng mass oath-taking.
Nararapat lang na huwag nang magkaroon ng magarbong mass oath-taking. Gawin na lamang ito nang simple para makatipid hindi lamang ang gobyerno kundi pati na rin ang mga magulang. Dahil naging tradisyon na ang mass oath-taking, puwersadong dumalo ang mga nakapasa kaya panibagong gastos na naman ang haharapin nila. Siyempre maraming babayaran gaya ng souvenir program, venue ng oath-taking at kung anu-ano pa. At hindi naman lahat ng mga magulang ng nakapasang nurses ay maykaya sa buhay.
Karamihan sa mga magulang ay iginapang lamang ang kanilang anak para makatapos ang kanilang anak. Marami sa kanila ang “kumapit sa patalim” para lamang maigapang ang kanilang anak. Nangutang at nagbenta ng ari-arian para makatapos ang anak sa kabila na walang katiyakan kung makakakuha agad ng trabaho ang anak. Mahirap makapasok sa ospital ang mga bagong nurses. Meron pa nga na kasama sa mga nag-top sa exam at nagtapos sa mga kilalang nursing school pero mahirap pa ring makapasok sa trabaho.
Dapat lang at sana ay noon pa nasimulan na itigil ang mass oath-taking ng nurses. Gastos lamang ito gayung maaari namang hindi gawin ng grupo lang o kaya ay indibidwal. Sinimulan na rin lang ng PRC, sana ay ipatupad na rin ng iba pang ahensiya. Pagtitipid ang kailangan sa panahong ito. Kalimutan ang pagbubulagsak na maaaring ikabagsak.
- Latest
- Trending