Maliliit may karapatan din, di lang si Arroyo

MABILIS na nga ang pasya ng Korte Suprema sa petisyon ni dating First Gentleman Mike Arroyo, unanimous 13-0 pa. Ipinaalis ni Mike ang paglista sa kanya sa travel-watch. Agad umoo ang Korte, sa dahilang maari malabag ang mga karapatan niya — na maglakbay, sa due process, at pantay-pantay na pagtrato sa ilalim ng batas.

Isinangkot man si Mike sa maruming pagbenta ng lumang aircraft sa pulisya bilang brand new, maari pa rin siya bumiyahe, lalo na’t hindi pa siya pormal na sinasakdal. Mali na siya lang ang i-watch-list, samantalang hindi isinasama ang ibang nadidiin sa imbestigasyon sa Senado. Dapat ipaliwanag sa kanya ng justice department kung bakit siya binabantayan, maliban sa ipinakiusap umano ito ng mga senador.

Tungkulin ng Korte itaguyod ang karapatan ng lahat. Anoman ang ginagawa nito para kay Mike, dapat gawin din para sa 64,000 maliliit na nilalang. Sila ang, sa pag­yayabang ng Bureau of Immigration, mga pinigilang lumabas sa international airports mula Agosto 2010.

Tulad ni Mike may kalayaan maglakbay ang 64,000 mamamayan. Wala sila sa anomang watchlist, ngunit pinaghinalaan na unregistered overseas workers na nagpapanggap na turista. Hinila sila mula sa pila sa Immigration counters dahil bihis at gawing probinsiyano, at tinuring na agad hindi kayang mag-abroad.

Ipinangangalandakan ng Immigration na ang 64,000 ay “naisalba” nila mula sa pagkaalipin sa abroad. Kabulaanan! Bumatay tayo sa mga ulat. Nu’ng unang kalahati ng 2011 nakapagsampa ang Immigration ng 31 kaso ng human trafficking. Ulat mismo ito ni President Aquino sa kanyang State of the Nation. Pero tanungin mo kung bakit hindi 64,000 kaso ang isinampa, walang maisagot ang Immigration.

* * *

Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: jariusbondoc@gmail.com

Show comments