Binabati ko muna ang kaibigan kong si Ptr. Ferdinand Rayo ng Alcala, Pangasinan sampu ng kanyang pamilya na avid reader ng ating Pilipino Star NGAYON.
Bukas ay lilipad na papuntang China si Presidente Noynoy Aquino para sa limang araw na state visit. Marami ang nag-iisip kung sa papaanong paraan matatalakay ang masalimuot na usapin sa Spratlys.
Ang impresyon ng marami ay mainit ang mata sa atin ng China dahil sa sari-saring usapin nangunguna na ang pumalpak na operasyon ng mga awtoridad sa Manila hostage crisis pitong buwan na ang nakararaan. Pero maliit na bagay iyan sa aking paningin kung ang pag-uusapan ay relasyong diplomatiko ng dalawang bansa. Ang pinaka-crucial sa palagay ko ay ang isyu sa Spratlys na may matinding paghahabol ang China. Sana nga, para sa ikapapayapa ng usapin ay magkasundo sa joint oil exploration ang lahat ng bansang may paghahabol sa Spratly Group of Islands.
Ayon sa Malacañang na dapat maging patas ang anumang kasunduan na mamagitan sa Pilipinas at China kaugnay sa energy exploration sa pinagtatalunang Spratlys.
Isusulong umano ng Pilipinas at China ang isang oil exploration agreement at isa ito sa inasahang tatalakayin sa pagtungo ni Pangulong Benigno Aquino III sa China sa Martes para sa limang araw na state visit. Pero sa ganyang usapin, dapat ding isangkot ang iba pang bansa na naghahabol at kung hindi’y may problema pa rin.
Ani Presidential Spokesman Lacierda, ang panu-kala ay nasa exploratory stage pa. Hindi pa raw napa plantsa ang detalye nito. Maganda kung maidaraos ang ganyang kasunduan pero gaya ng nasabi ko, huwag kalimutan ang ibang mga bansang naghahabol.
Bukod sa energy cooperation sa pagitan ng Pilipinas at China, sinabi ni Chinese Ambassador to the Philippines Liu Jianchao na intresado rin sila na mamuhunan sa Pilipinas lalo na sa public-private partnership (PPP) na isinusulong ni Pangulong Benigno Aquino III.
Ang China ay isang namimintong world power kaya naniniwala akong dapat ayusin ang diplomatikong relasyon ng bansa rito.