Tatlong araw na lang at matatapos na
Ang Buwan ng Wika sa loob ng bansa;
Mga tula’t awit sa sariling wika
Muling papalitan ng himig banyaga!
Kung Buwan ng Wika ating mapapansin
Sa radyo at TV ang mga awitin
Saka ang salita ng mga announcer
Sinisikap nilang maging Tagalog din!
Sapagkat Tagalog ang Wikang Pambansa
Huwag munang gamitin ang ibang salita;
Sa kalye’t sa loob ng mga eskwela –
Dapat mag-Tagalog ang matanda’t bata!
Sana nga’y di lamang sa iisang buwan
Ang Wikang Pambansa ating iwagayway;
Hindi ba’t si Quezon noong nabubuhay
Tagalog ang wikang kanyang ibinanghay?
Saka ang pangulong ngayo’y nasa trono
Nitong ating bansa’y maka-Pilipino;
Sa mga okasyong siya’y dumadalo
Sa pananagalog hindi sumusuko!
Dayuhan at hindi ang kanyang kaharap
Si Pangulong Noynoy Tagalog ang bigkas
Sa lahat ng dako kapag nangungusap –
Ang bawa’t salita Tagalog na tapat!
Kaya itong bansa’y may dalwang patnubay
Sa pananagalog ay walang kapantay;
Mga wika nila kung ating pakinggan
Tagalog ang dala sa tuwid na daan!
Naunang nawala si Pangulong Quezon
Na Wikang Pambansa dakilang abuloy;
Siya ang nag-utos tayo’y magkaroon
Ng sariling wika sa habang panahon!
Sumunod si Noynoy kung nagsasalita
Laging ginagamit ay Wikang Pambansa;
Halimbawa niya ang sundin ng madla
Upang itong bansa’y ganap ang paglaya!