NAKATIKIM ng real to goodness dressing down si Secretary Ricky Carandang ng Presidential Communications Development and Strategic Planning Office mula kay Zambales Rep. Mitos Magsaysay. Terible palang magalit ang aleng ito! Ummm…milder version ni Sen. Miriam Santiago.
Mandatory ang pagdalo ng mga opisyal ng executive department sa mga budget hearing ng Kongreso. Inusisa ni Magsaysay ang paggastos ng departamento ni Carandang sa pagbili ng mga mamahaling computers at cellphones gayung may mas mura namang mabibili para makatipid ang pamahalaan. Sa yugtong ito uminit ang nagkaroon ng pagtatalo ang dalawa. Kaso “arogante” ang dating ni Carandang kay Magsaysay, bagay na ikinagalit ng lady solon.
Kinastigo ni Magsaysay si Carandang dahil sa aniya, pagbili ng 24 mamahaling Apple MacBooks sa halagang mahigit sa P1.6 milyon. Lumalabas na ang halaga ng bawat isa ay nasa P66 libo hanggang P67 libo na ayon kay Carandang ay higit na mura sa umiiral na presyo sa merkado. Ani Carandang “nakuryente” si Magsaysay sa kanyang maling impormasyon. Kung saan-saan na napadpad ang pagkastigo ni Magsaysay. Kesyo pumapalpak ang administrasyon ni P-Noy dahil sa maling paghahayag ng mensahe.
Pinangaralan pa niya si Carandang na maging mapagpakumbaba at wala na siya sa ABS-CBN at hindi na ubrang maging arogante lalu na sa harap ng mga halal na mambabatas ng pamahalaan. Nag-sorry naman si Carandang tulad ng isang tunay na maginoo at pagka-tapos noon ay nagkamayan na silang dalawa ng Mambabatas. Sana genuine reconciliation ito!
Nagkakainitan na talaga ang dalawa sapul nang isulat ni Carandang sa kanyang Tweeter na si Magsaysay ay kaalyado ng isa sa mga naging “most corrupt” na Pangulo ng bansa. Personal na opinion ni Carandang yaon. Pero bilang opisyal ng Malacañang, dapat malaman ni Carandang na wala na siyang personal na opinion. Iyan ang katotohanan kapag ikaw ay naging opisyal ng sino mang Pangulo. Lahat nang sabihin mo sa publiko ay repleksyon ng paniniwala ng buong administrasyon. Well, Carandang is getting his baptism of fire! Kulang pa sa maturity ang batang ito. Matalino siya pero there’s a great difference between knowledge and wisdom.