PATULOY sa pagtaas ang bilang ng mga nagkaka-dengue sa buong bansa. Umano’y mahigit 70,000 kaso ng dengue at 400 na ang namamatay. Ayon sa Department of Health (DOH), mas mataas ang bilang ng mga nagka-dengue ngayon kumpara noong nakaraang taon. Sabi pa ng DOH, kailangang panatilihin ang paglilinis sa kapaligiran para walang pamahayan ang mga lamok na may dengue.
Habang patuloy ang pagbabala at pagrereport ng DOH sa dumaraming kaso ng dengue, nasa mga ospital naman ng gobyerno ang mga biktima ng dengue. Napakaraming pasyente sa East Avenue Medical Center na karamihan ay mga bata. Nakalulunos makita ang pagdadalamhati ng ama at ina sapagkat namatay ang kanilang anak habang nakikipaglaban sa dengue. Sinisisi ng Ama ang kanyang sarili kung bakit hindi agad nadala sa ospital ang anak.
Patuloy ang pagdami ng mga biktima ng dengue at hindi naman magampanan ng mga ospital ng gobyerno ang kapakanan ng mga biktima na pawang galing sa mahirap na pamilya. Mga mahihirap ang paboritong papakin ng mga lamok. Nakapagtataka na walang mayaman na napabalitang may dengue. Isang patunay na walang kakayahan ang gobyerno na pangalagaan ang kalusugan ng mamamayan. Hindi maibigay ang basic health services na kailangan ng mamamayan lalo ang mahihirap.
Kaysa mag-anunsiyo nang mag-anunsiyo ang DOH sa tumataas na bilang ng dengue, mas maganda kung pagpilitan nilang madagdagan ang kanilang pondo para magampanan nang maayos ang tungkulin sa mga nagkakasakit. Kawawa naman ang mga mahihirap na lagi nang tinatamaan ng mga kung anu-anong karamdaman. Iligtas sila.