Asking for too much?
MALAKING isyu pa rin para sa mga biktima ng Luneta Hostage Catastrophe at sa mismong HongKong ang kawalan ng public apology mula sa atin. Mag-iisip ka tuloy… hindi pa nga ba nag-SORRY ang pamahalaan?
Nasusuya si Presidential Spokesperson Sec. Edwin Lacierda sa patuloy na pagdemanda ng apology. Ilang beses daw ba kailangang humingi ng paumanhin? Maging si Justice Secretary Leila de Lima na nakipagpulong sa mga biktimang hindi hinarap ng presidente ay nagsabing “asking for too much” ang formal apology. Teka, nakapag-SORRY na nga ba tayo?
Nag-SORRY si P-Noy … pero para sa kanyang facial expression sa Press conference. Maaalalang tinawag na insensitive si PNoy dahil hindi sanay ang mga Intsik sa kanyang facial mannerism na nakangiti habang nagsasalita. Pero SORRY sa mga biktima?
No. Hindi pa po. Nagbigay daw ng “expression of regret”. Ang regret ay internal o pansariling damdamin. Parang sinabi mo sa naagrabyado mo na “sana hindi nangyari”. Iyon lang. Ang external o panlabas na pahiwatig ng regret ay ang paghingi ng apology. SORRY. Ito ang hindi pa natin ginagawa hanggang ngayon.
Naunawaan natin ang pulitika sa likod ng desisyong ito. Itong pagdating nila sa Pilipinas – may kasamang pulitikong oposisyonista. Maari itong bigyan ng kulay. At ang paghingi ng patawad, maari ring basahin na pag-amin sa pagkakasala at gawing batayan ng demanda para sa danyos.
Pero puro ito dahilan eh. May kokontra ba sa proposisyon na karapat dapat lang sila hingan ng patawad at paumanhin? Ipalagay na nating nag-SORRY na dati si P-Noy, kung kailangang mag-SORRY hanggang magsawa, bakit hindi ito pag-isipan? At kailan naging too much na humingi ng SORRY ang biktima ng kasalanan? Aminado naman tayong pumalpak tayo. Pero pinatawad na natin ang ating sarili habang hindi pa tayo pinapatawad ng ating naagrabyado.
Hindi aksidente ang nangyari sa mga HK tourist sa Luneta. Sila’y mga bisitang nabiktima ng pagkukulang ng kinauukulan. Habang hindi natatapos ang proseso upang panagutin ang nagkasala, dapat lang na gawin ng pamahalaan ni P-Noy ang lahat ng makakaya upang sila’y masiyahan. Hindi tanda ng kahinaan ang paghingi ng SORRY.
It is not too much to ask for.
- Latest
- Trending