EDITORYAL - Aral na nakuha ng PNP sa hostage drama
KAHAPON ginunita ang ikaisang taon ng mala-gim na hostage taking sa harap ng Quirino Grandstand sa Luneta. Nagtungo rito ang mga kaanak ng walong Hong Kong tourists na napatay. Nagkaroon ng Buddhist mass sa mismong lugar ng pinangyarihan ng krimen. Patuloy din namang iginigiit ng mga kaanak ang paghingi ng tawad ni President Aquino sa nangyari at ganoon din ang compensation para sa mga biktima. Anila mabagal daw ang paggalaw ng hustisya sa Pilipinas. Kaila-ngan daw nilang makamtan ang hustisya.
Walang nakaaalam kung hanggang kailan babahaw ang sugat na nilikha ng hostage taking. Maaaring matagalan pa o kaya’y hindi na nga bumahaw. At habang hindi bumabahaw, apektado ng pangyayari ang turismo ng Pilipinas. Malaki ang takot na idinulot sa Hong Kong tourists kaya bumagsak ang turismo makaraan ang hostage taking. Wala nang balak magtungo rito sa takot na mapatay. At ang nakadagdag pa sa takot, isang pulis pa ang gumawa ng krimen. Pinagbabaril ng pulis na si Senior Insp. Rolando Mendoza ang mga turista habang nasa loob ng bus. Napatay naman ang pulis nang lusubin ng SWAT ang bus.
Maraming apektado sa nangyaring hostage taking. Ang Philippine National Police ay naging kahiya-hiya sa mundo sapagkat nakita ang kawalan ng training sa biglaang sitwasyon kagaya ng hostage taking. Nakita ang kawalan ng kahandaan ng SWAT ng Manila Police District (MPD) na sumugod sa bus na walang kaukulang gamit. Halatang mga takot ang SWAT na sumugod sa nag-iisang kalaban. Hindi nila mapasok ang bus sapagkat hindi nila alam kung saan dadaan. Hindi nila alam kung paano aakyat sa bus. Nagmukhang tanga ang mga SWAT na lalo lamang nakadagdag sa mababang pagtingin ng publiko.
Pero ang tiyak, may malaking aral na napulot ang PNP at maging ang ibang government official kung ano ang gagawin sakal’t maulit ang pangyayari. Maaaring nakapagsanay na nang todo ang mga pulis at handang-handa na sakali’t maulit ang madugong hostage. Hindi na dapat maulit ang pangyayaring iyon na lumumpo sa turismo. Tama na ang minsang pagkapahiya. Ibangon ng PNP ang nadumihang imahe na kagagawan ng sarili nilang kabaro.
- Latest
- Trending