Arroyos maimpluwensiya pa rin sa usaping publiko
MAARING pang-aapi o pagtutuwid ang dating. Pero sa Egypt iniharap sa korte ang nakaratay na dating lider Hosni Mubarak at dalawang anak nang nakarehas, sa hablang murder ng mga militante. Sa Pilipinas ang sinasabing matinding nangulimbat na pamilya Arroyo ay nananatili sa kapangyarihan. Sina Gloria Macapagal Arroyo, mga anak na Mikey at Dato, at bayaw na Iggy ay nakaupo sa Kongreso; ang asawang si Mike ay nakatuntong sa umano’y bilyon-pisong tagong yaman. Maimpluwensiya pa rin sila sa patakaran at usaping publiko.
Si ex-President Gloria ay pinuno ng Oposisyon, kaya nambabara sa mga inisyatiba ng administrasyon. ‘Yan ay miski merong limang kaso ng plunder siyang haharapin. Nakasingit si Mikey sa Kongreso nang katigan ng Comelec ang kunwa’y pagkatawan niya sa tricyle drivers at security guards; tutularan siya ng iba pang traditional politicos na hindi makapasok sa Kongreso sa normal na direktang boto. Nakasakdal siya ngayon sa tax evasion. Nakasingit lang din si Dato sa Kongreso dahil sa gerrymandering; kumuha ng bayan-bayan sa dalawang distrito ng Camarines Sur para bumuo ng pangatlong distrito kung saan siya tumakbo. Kinukuwestiyon na ngayon ang daan-daan-milyong-pisong ibinuhos sa distrito ng nanay niya nang Presidente, kaya naubos ang pondo para sa iba.
Si Iggy ngayon ay tinutulungan si Mike umiwas sa paratang na ibinenta niya ang dalawa sa limang lumang helicopters sa pulisya. Naglabas si Iggy ng “katibayan” na ni-“lease” lang ang limang aircraft; pero halatang peke ang dokumento. Umiiwas ngayon ang magkapatid sa summons ng Senado: palusot ni Mike may sakit siya; si Iggy, kesyo inter-parliamentary courtesy. Nagugulo ang Kongreso at publiko.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). Bagong e-mail: [email protected]
- Latest
- Trending