Nakialam, nambola kaya pinasisipot sa Senado
HINDI maihihirit ni Rep. Iggy Arroyo ang “parliamentary immunity” para umiwas sa summons ng Senado. Sinisiyasat ng mga senador ang palsipikadong pagbenta ng dalawang lumang helicopters bilang brand new sa pulisya. At tumestigo ang dalawang negosyante, tatlong tauhan, at apat na piloto na sa kapatid ni Iggy na ex-first gentleman Mike Arroyo ang choppers. Batay sa mga resibo at tala ng bangko, bumili si Mike ng limang aircraft nu’ng 2004. Tapos biglang lumitaw itong si Iggy na naggigiit na inupahan lang niya, bilang presidente ng LTA Inc, ang limang choppers mula sa LionAir ni Archibald Po. Kaya ngayon, pinasisipot siya para patotohanan ang pinagsasasabi niya sa media. Ipinatatawag din si Mike, dahil ginamit niya ang lease sa habla kay Po.
Pero tiyak magsasakit-sakitan sina Mike at Iggy para umiwas sa siyasat. Kasi peke rin ang lease na iwinasiwas nilang pruweba kuno ng paghiram ng aircraft mula sa LionAir nu’ng Marso 16-Mayo 15, 2004.
• Ninotaryuhan ang kontrata nu’ng Marso 16, 2004. Pero ang nakatalang sedula ni Renato Sia ng LionAir ay nakuha matapos ang dalawang linggo, nu’ng April 2, 2004.
• Nilista sa lease ang Robinson manufacturer serial at government registration numbers ng limang helicopters. Batay sa Customs records, in-import ang mga ito nu’ng Marso 12, 17 at 24, 2004. Batay sa certificates ng Air Transport Office, nirehistro ang mga ito nu’ng Marso 16, 23 at 30, 2004. Hindi kapani-paniwala, alam na nina Mike at Iggy ang serial numbers ng mga nakakahon at hindi pa dumarating na units. Alam na rin nila ang registration numbers bago pa man ito i-apply ng lisensiya.
Sa Senado tiyak hihingan sina Mike at Iggy ng katibayan—resibo mula sa LionAir, halimbawa — ng P9.8-million lease. Wala sila nu’n.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). Bagong e-mail: [email protected]
- Latest
- Trending