Madiskarte si Misis
MASALIMUOT ang pagsasama ng mag-asawang Augusto at Soledad. Si Soledad ay liberal at madiskarte. Bumibili siya ng mga lupa para sa kanilang mag-asawa na pinarerehistro lang sa kanyang pangalan. Hindi lang ang pagiging liberal ang problema kay Soledad, kahit ang katapatan niya ay pinagdudahan ni Augusto. Nakikita siyang sumasama sa ibang lalaki.
Naubos ang pasensiya ni Augusto. Dinemanda niya si Soledad ng adultery. Dahil may koneksyon si Soledad sa mga de-kalibreng abogado nakagawa siya ng paraan para mapawalang-sala sa kaso.
Bilang bayad sa abogado, gumawa ng kasulatan ng bentahan si Soledad kung saan ibinenta niya ang isang lupang nakarehistro sa kanyang pangalan sa kondisyon na may karapatan siyang muling bilhin ang lupa sa abogado. Nang hindi mabawi ni Soledad ang lupa ay humingi ng desisyon sa korte ang abogado laban sa kanya upang makuha ang nasabing ari-arian. Umapela si Augusto at sinabing “conjugal” ang lupa. Hindi raw ito dapat gamitin ni Soledad bilang pambayad sa kanyang obligasyones. Tama ba si Augusto?
MALI. Ang abogado raw ni Soledad ay ibang tao na bumili ng lupa bilang “purchaser in good faith”. Ibig sabihin, wala siyang anumang nalalaman sa gulo ng mag-asawa. Ayon sa Torrens system of Registration, ang isang inosenteng bumibili ng lupa ay makaaasa na ang titulong nakapangalan lamang kay Soledad ay tunay at hindi mapapatalo. Ayon sa Art. 153, par. 1 Civil Code, hindi uubrang gamitin at walang epektong legal laban sa isang inosenteng bumibili ng lupa ang argumentong “conjugal common fund” ang ginamit na pera sa pagbili nito (Seva vs. Nolan, 64 Phil. 374).
- Latest
- Trending