Benham Rise

LABING TATLONG milyong ektarya ng napaka-potentially productive area ang inaasahang madaragdag sa opisyal na saklaw ng teritoryo ng Pilipinas. Ito ang napag-usapan namin ng aking panganay na anak na si Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada kasunod ng pag-uulat ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa pagdinig ng Senado.

Ayon sa DENR, ang naturang area ay ang Benham Rise, na nasa harapan ng Isabela at Aurora province. Base sa technical description, ang Benham Rise ay isang submerged extinct volcanic ridge sa bahagi ng Philippine Sea Plate, sa gawing silangan ng Philippine Trench at malapit sa timog ng Luzon Trench.

Ang Benham Rise ay natuklasan umano noong 1933 at ang Pilipinas lang ang nag-iisang bansa na may claim sa nasabing lugar. Ang naturang claim ay pormal na nakahain sa United Nations at nakatakda nang talakayin ng UN Commission on the Limits of the Continental Shelf sa Hunyo 2012.

Ang nasabing claim ay masusi umanong binigyang-diin sa Republic Act No. 9522, o Archipelagic Baselines Law, na pinagtibay kamakailan ng Kongreso. Dagdag ng DENR, ang Benham Rise ay kasing laki ng pinagsama-samang area ng Luzon, Samar at Leyte. Ito umano ay napakayaman sa mineral and gas deposits, kabilang ang solid methane.

Kumpiyansa ang pamahalaan na pagtitibayin ng UN ang Philippine claim sa Benham Rise, dahil ang ating bansa lang ang naghain ng claim at malinaw naman sa mga teknikal na deskripsiyon na teritoryo ng ating bansa. Kapag ganap nang naideklarang pag-aari ng Pilipinas ang Benham Rise, puwede nang mapakinabangan ng ating bansa ang mga likas-yaman na naroon.

Show comments