Kailangan pati kriminal na kaso!

LIMANG opisyal ng Bureau of Corrections ang kaka­suhan kaugnay ng pagtakas ni dating Batangas Governor Antonio­ Leviste mula sa New Bilibid Prisons (NBP) noong Mayo. Nahuli si Leviste na sumasakay sa kanyang pribadong sasakyan, sa likod ng kanyang gusali sa Makati. Sa kanyang pagkahuli, lumabas na hindi lang isang beses ginawa ang pagtakas mula sa NBP, at nagsama pa nga ng ibang kabilanggo. Nagpalitrato pa sa kalye, na tila nagyayabang na siya’y nasa labas ng bilangguan!

Ang limang opisyal ay dalawang Chief Superin­tendents, isang Bureau Reservation and Support Services Chief at dalawang Police Senior Inspectors. Mga matataas na opisyal. Mabuti naman at walang pinatawad na opisyal sa nakakahiyang gawain ni Leviste, na siguradong may basbas ng limang ito. Malaking sampal sa mga kamag-anak ng biktima ni Leviste, pati na sa sistema ng hustisya sa Pilipinas! Pero sa tingin ko may mga dapat pang kasuhan. Yung mga guwardiya na nagbabantay sa mga pangunahing pinto ng NBP, pati na ang BuCor Chief mismo noong panahong iyon. Pero dahil wala na raw sa serbisyo ng gobyerno, hindi na pwedeng kasuhan. Tandaan, mga administratibong kaso ang sinasampa, at hindi kriminal. Kung ganun, ang pinakamabigat na parusa ay mapatalsik mula sa serbisyo na walang mga benepisyo.

Pero sa tingin ko, dapat pa ring sampahan ng kriminal na kaso ang mga tinukoy, kasama na kung sino pa ang may sala sa nakakahiyang insidenteng ito. Walang nakaaalam kung sinu-sino pa ang nakakalabas sa NBP habang nakakulong. Hindi lang naman si Leviste ang mayaman at maimpluwensiyang bilanggo. Buti na lang at nahuli si Leviste, kundi tuluy-tuloy ang ligaya ng lahat! Napatunayan ni Leviste na walang saysay ang hustisya sa Pilipinas. Kung may pera at impluwensiya, kahit maka-patay ka pa ng tao – ang pinaka-grabeng krimen sa lipunan – hindi ka maghihirap sa bilangguan. At bakit? Hindi ka naman talaga nakakulong! Ang kunswelo na lang ngayon ay alam nating humigpit na nang husto sa NBP. Pero gaano naman kaya magtatagal ang ganitong kundisyon sa NBP? Baka naman dadating ang panahon na may mabibili muling opisyal diyan, may makakalabas na naman diyan. May kasabihan nga, ang tao ang pinakamadaling bilhin sa lahat!

Show comments