“GUTOM na gutom” daw si Parañaque City police chief Sr. Supt. Nestor Pastoral, ayon sa mga tauhan niyang pulis. Ibinulsa raw umano ni Pastoral ang halos lahat ng pagkakakitaan sa siyudad. Kahit daw barya pinapatulan ni Pastoral. Kaya demoralisado ang mga pulis sa Parañaque dahil sa katakawan ni Pastoral. Hinihintay ng mga pulis kung ano ang gagawing aksiyon ni Bernabe kay Pastoral. Si Bernabe ang pumili kay Pastoral. Ayon naman kay Pastoral, ang negatibong balita raw laban sa kanya ay dahil sa inggit ng deputy niya.
Hindi lang pulisya ang magulo sa Parañaque kundi ma-ging ang kalakaran sa jueteng. May pumasok kasing bagong bangka ng jueteng at malaking papel ang ginagampanan ni Pastoral dito. Ang bagong bangka ay negosyante mula sa Bulacan na hatak ng pulis na si Jun Palisoc. Siyempre, hindi mapakali ang dating bangka ng jueteng dahil dalawa ang pinupustahan ni Pastoral imbes na isa lang para hindi magulo ang tabakuhan. Ibig kong sabihin, dalawang parating ang pumapasok sa bulsa ni Pastoral.Hindi gutom ang tawag dyan kundi tuso. Ang katwiran naman ni Pastoral, kaya pinayagan niyang pumasok ang bagong bangka ng jueteng dahil ang isang alyas Allan ay hindi nagpaparating kay Bernabe. Ang lahat palang kalakaran sa Parañaque ay may parating kay Bernabe at ang tumatanggap ay ang kapatid na si Roland, ayon sa mga kausap ko. Totoo ba ito, Mayor Bernabe?
Ngayon, panay ang raid ni Pastoral sa mga puwesto ni Allan kahit na kanya itong tinatanggapan ng lingguhang intelihensiya. Pero sa susunod na mga araw, tiyak ang bagong bangka naman ang haharibasin ng mga national at local na pulisya na kakampi naman ni Allan. Kaya magiging magulo talaga ang tabakuhan sa Parañaque sa darating na mga araw at ‘yan ay dahil sa sobrang gutom ni Pastoral. Abangan!