SI Lina ay isa sa mga anak nina Pedro at Juana. Noong kabataan niya, natatandaan niya na nagpetisyon ang tatay niya sa korte upang mapatituluhan ang isang parselang lupa sa kanilang bayan. Ang titulo ng lupa ay nakarehistro sa pangalan ni Pedro kasal kay Juana.
Matapos ang ilang taon, namatay ang kanyang inang si Juana. Nag-asawa muli ang tatay niya. Pinakasalan nito si Marcia. Matapos ang 30 taon, nagsampa ng mosyon si Pedro sa korte upang utusan nito ang Register of Deeds na palitan ang nakasulat niyang estado sa titulo. Ang nakasulat na “Pedro kasal kay Juana” ay gusto niyang papalitan ng “Pedro kasal kay Marcia”. Argumento ni Pedro, ang lupa ay minana niya at nakuha bago pa siya ikinasal kay Juana.
Dahil walang oposisyon na natanggap sa mosyon, pinagbigyan ng korte ang mosyon ni Pedro at inutos sa Register of Deeds na palitan ang estado ni Pedro at gawin na “Pedro kasal kay Marcia” ang nakasulat sa titulo ng lupa.
Matapos ang ilang buwan, ibinenta ni Pedro sa isang kapitbahay ang lupa. Nang malaman ni Lina at mga kapatid ang ginawa ng kanilang amang si Pedro, kinuwestiyon nila ang bentahan. Ayon sa kanila, dahil pagmamay-ari ni Pedro at ng kanyang unang asawa ang lupa, tinanggalan sila ng karapatan bilang tagapagmana sa parte ng kanilang namatay na ina. Tama ba si Lina at kanyang mga kapatid?
MALI. Totoo na ipinapalagay sa ating batas na lahat ng ari-arian na nakukuha sa panahon na kasal ang mag-asawa ay pareho nilang pagmamay-ari. Kaya lang ito ay haka-haka (presumption) lamang. Ang taong umaasa sa haka-haka ay dapat munang patunayan ang kanyang sinasabi. Ang ebidensiya na kanyang isusumite ay isang kondisyon na hindi puwedeng mabalewala.
Kinumpirma ng titulo na si Pedro ang may-ari ng lupa pero ang nakasulat niyang estado doon na kasal siya kay Juana ay hindi sapat na katibayan na pagmamay-ari ng mag-asawa ang lupa. Ang nakasaad doon na kasal siya kay Juana ay pagsasalarawan lang na si Pedro ang kasal at may asawa. Kahit sabihin pa na narehistro ang lupa noong kasal na sila ay hindi pa rin ito sapat na katibayan dahil hindi napatunayan na nakuha niya ang mismong lupa noong ikinasal na sila. Tandaan natin na ang isinampang petisyon sa pagrerehistro ng lupa ay hindi nagbigay ng pagmamay-ari ng titulo sa kanila at bagkus ay pagkumpirma lang ng umiiral na karapatan ni Pedro sa lupa.
Ang lupang minana ni Pedro mula sa kanyang mga magulang ay hiwalay na ari-arian niya at maaari niyang ibenta. Hindi puwedeng makialam dito ang mga anak niya sa unang asawa. Ito ang desisyon sa kasong Torela vs. Torela, 43 SCRA 391.