Mga Arroyo 'wag pilitin sa Senado
PARA sa akin, dapat payagang makalabas ng bansa ang sino man sa mag-asawang Arroyo kung talagang kailangan ng kanilang kalusugan. Puwede naman silang eskortan ng pamahalaan kung ang kinatatakutan ay baka pumuga ang mga ito.
At kung sakaling nagsasakit-sakitan lang sila o pinala-labas na napakalubha ng kanilang karamdaman para makaiwas sa siyasat ng Senado, konsensya na nila yon.
Hangga ngayo’y misteryo pa rin ang totoong kalagayan ng dating Pangulo at ngayo’y Pampanga Rep. Gloria Arroyo na ngayo’y naka-confine sa St. Lukes Hospital. At tingin ko, sinasadyang gumawa ng confusion ng kanyang legal spokesman na si Atty. Raul Lambino. Milyong Pilipino ang nakarinig sa telebisyon nang sabihin niyang malubha ang kalagayan ng Pangulo na maaaring ikamatay.
Tapos nang kumalat ang balitang grabe ang kalagayan ng dating Pangulo ay pumalag naman siya at sinisi pa ang gobyerno at media na nagpapakalat ng maling impor-masyon! Grabe ka atorni. Di ba sa iyo nagmula ang balita? Ba’t pati ang media ay bubuweltahan mo?
Mainit na isyu na binubusisi ng Senado ang dalawang helicopter na nagamit na ng pamilya Arroyo pero naibenta sa presyong brand new sa PNP. Gustong isalang sa imbestigasyon si dating Unang Ginoo pero patuloy na tumatanggi ito dahil sa kalagayan daw ng kanyang puso.
Sa opinion ko, bayaan na lang ang mag-asawa kung ayaw dumalo sa siyasat tutal sinasabing hawak ng Senado ang matitibay na ebidensyang magdidiin kay Mike. Mahirap kasing magbakasakali at brasuhing dumalo sa pagsisiyasat si Mike Arroyo o si Mrs. Arroyo. Paano kung tuluyang atakihin sa puso at malagutan ng hininga? Lalabas na kontrabida hindi lamang ang Senado kundi ang buong gobyerno.
Dalhin na lang sa Korte ang kaso. Iyan naman ang sabi ni Mike di ba. “See you in court” aniya. Mabuti nga siguro’y demanda na lang ang isampa para hindi lumitaw na pamumulitika ang ginagawa sa mag-asawa na nagsasabing “political harassment” ang ginagawa sa kanila.
- Latest
- Trending