PULITIKA ang anggulong tinututukan ng mga im-bestigador sa pagpatay kay Samuel Delana, lider ni Caloocan City Vice Mayor Edgar Erice noong nakaraang Martes. May nagsusulsol para mag-away sina Erice at Mayor Enrico Echiverri. Nagbabangayan sina Echiverri at Erice ukol sa bayarin sa GSIS at mukhang may mga taong gustong paigtingin pa ang kanilang away. Kumakalat na balita sa Camanava, may kinalaman sa 2013 local elections ang pagpatay kay Delana. May balak kayang tumakbo bilang mayor ng Caloocan ang mastermind sa pagpaslang kay Delana? ‘Yan ang sinisiyasat ng mga imbestigador ni NPD director Chief Supt. Antonio Decano.
Dapat lutasin ni Decano ang kaso ni Delana para mabura naman sa isipan ng taga-Camanava na pitsa-pitsa lang ang lakad niya. Puwede niyang i-assign si PO3 Rodolfo “Jojo” Cruz, kolektor niya ng lingguhang intelihensiya para habulin ang pumatay kay Delana. Si Cruz ay galugad ang buong Camanava at tukoy ang mga pugad ng gambling lords at beerhouse joints kaya may kasipagan at kakayahan siya. May tatlong testigo ang Camanava police kaya sila ang gigiya kay Cruz kung paano matutunton ang suspect sa pagpatay kay Delana, di ba mga suki? Kaya kapag naaresto ni Cruz ang pumatay kay Delana, mababago ang pagtingin ng mga gambling lords at beerhouse operators sa kanya.
Bilang giya sa mag-among Decano at Cruz, si Delana ay dating supporter ni Echiverri. Subalit sa hindi malamang dahilan napunta siya sa kuwadra ni Rep. Malapitan at pagkatapos ay napunta naman sa bakuran ni Erice. Ibig sabihin, naikot na ni Delana ang bakuran ng mga pulitiko sa Caloocan. Kaya hindi puwede na ang tatlong pulitiko ang may pakana sa pagpatay kay Delana dahil naging amo niya ang mga ito.
Si Delana ay magpa-park ng kanyang kotse nang harangin ng isang kotse sa likuran. Yun pala ang signal sa gunman na naghihintay sakay ng motorsiklo. Pagalis ng kotse, binaril si Delana. Lider daw ng isang puli-tiko ang may-ari ng kotse na humarang kay Delana? Nag-offer ng P200,000 reward si Echiverri para mahuli ang pumatay kay Delana.