MALAPIT nang mag-usap ng pormal ang gobyerno ng Pilipinas at Moro Islamic Liberation Front (MILF), hinggil sa kapayapaan sa Mindanao. Higit apat na dekada nang nagrerebelde ang mga kapatid nating Muslim na ang pinaglalabanan ay sariling bansa. Pero dahil sa makasaysayang miting ni President Aquino at Murad Ebrahim, chairman ng MILF, hindi na raw ipipilit ng MILF ang isang hiwalay na bansa, kundi isang teritoryong hiwalay, na sila ang mamamahala maliban sa national defense, foreign affairs, post office at pera na mananatiling hawak ng gobyerno ng Pilipinas. Sa madaling salita, sila na ang mamamahala sa teritoryo nila, pati na ang mga likas na kayamanan nito, pero pagdating sa depensa, pera, relasyon sa ibang bansa at pagpapatakbo ng koreo ay sa Pilipinas pa rin. Ang tanong, may sariling bandera rin ba sila?
Pinapareho raw nila ang sistema na ginagawa ng Hong Kong, na bahagi ng China pero hiwalay ang ekonomiya. Hindi pa alam ng mamamayan kung ano ang gagawin ng gobyerno, o kung ano ang isasagot nila sa hinihingi ng MILF. Pero dahil papalapit na nga ang usapan, tila nagbabanta na ang MILF sa pagsabi ng isang senior member kung handa na si President Aquino na itaya ang kanyang pulitikal na kapital para sa prosesong ito? Kung ang gusto ba niya ay kapayapaan o popularidad? Sa ganyang pahayag, alam na siguro ang tinig ng nakararami sa Pilipinas, na hindi pinamimigay ang teritoryo. Kung ang Spratlys na maliliit na isla ay pinaglalabanan, paano pa ang teritoryo talaga ng Pilipinas?
Wala nang magagawa kundi hintayin ang kahihinatnan ng usapan sa Kuala Lumpur. Kung kapayapaan na nga o magpapatuloy ang sagupaan ng MILF at gobyerno. Lahat ay naghahangad ng kapayapaan sa Mindanao. Marami lang ang nagsasabi na baka masyado namang malaki ang hinihinging kapalit para sa kapayapaan na ito. Hindi ko maiwasang tumingin sa mga Palestino, na binigyan na rin ng lupain, ang Gaza Strip at ang West Bank, na hawak dati ng Israel. Tumigil ba ang digmaan? Hindi, kasi may mga gusto lang talagang madurog ang Israel. Anuman ang mangyari sa usapan sa Kuala Lumpur, sana maiwasan ang karahasan at digmaan!