^

PSN Opinyon

'Amoy botcha(?)'

- Tony Calvento -

NAGBUNYI ANG MGA TAGA NAVOTAS dahil sa naiulat na Mega Bilyong ‘reclamation project’ na layong magdagdag ng lupain na tinatayang 160 hektaryang lupain sa baybaying lugar ng lungsod ng aprubahan ng Navotas City Council ang proyektong ito.

Nangarap pati mga maliliit na mangingisda dahil maaring makatulong sa pag-ahon ng kanilang kabuhayan na nakasadlak sa kahirapan. Mas lalo nitong patatatagin ang pagiging kabisera ng Pilipinas sa larangan ng pangingisda ang bayan ng Navotas.

“Mas maraming magpapagawa sa akin ng mga lambat at ang aking mga anak na nagtatrabaho sa factory ng mga delatang isda ay madagdagan ang sahod dahil dadami ang kakailanganin nilang trabahador,” nakangiting sinabi ni Mang Ferdie.

Walumpung porsyento ng mga taga Navotas ay umaasa ng kanilang kabuhayan mula sa pangingisda at mga kaugnay na industriya at siguradong darami ang mga sasakyang dagat na hihigupin ng proyektong ito na parang bato balani mula sa kanlurang bahagi ng Manila Bay.

Ang balitang ito ay pinagtibay ng isang nilagdaang ‘Memorandum of Agreement’ (MOA) nung June 23, 2009 sa pagitan nung dating alkalde ng lungsod na si Toby Tiangco at isang pribadong kumpanya na kinakatawan ng mga taga pagmana ng namayapang negosyante na si Roman Chuanico, na nagmamay-ari ng 'di mabilang na mga ‘fish ponds’ sa paligid ng baybaying lugar, ang 1st Seafront Renew Inc., isang ‘dredging company’.

Para kay Mayor Tiangco ang proyektong ito na isa sa pinakamalaking proyekto na dumating sa ikalawang taon pa lamang ng termino niya sa Navotas matapos sila ay mahirang na ganap na lungsod.

Sigurado raw ayon kay Mayor Toby na ikalalakas ng ekonomiya ng kanyang bayan at ng mga mamamayan nito at maaring maiangat sila bilang ‘first class city’ sa Pilipinas.

Ang kanilang kagalakan ay dahan-dahang naglaho. Ang ngiti sa mga mukha ng mga taga-Navotas ay nawala at sa halip nagmukha ang mga ito na parang bilasang isda ng mag-umpisa ng pumasok ang ‘kamandag’ ng pulitika na umanay sa nasa­bing proyekto.

Paano nangyari ito? Aba, nang magpalitan ng tao sa pwesto at ibinigay, Oo ibinigay Mang Ferdie ni Toby Tiangco ang kanyang pagka alkalde sa kanyang kapatid na si John Rey para tumakbo bilang alkalde ng naturang lungsod.

Ayon sa isang negosyante na si Benjie Roxas dahil huling termino na ni Mayor Toby kinailangan niyang tumakbo bilang Kongresista at nanalo naman ang kapatid nitong si John Rey.

“Madalas naman ganyan ang siste. Politikal dynasty kung saan kapatid, asawa o sinumang kamag-anak ang inilalaban kapag tapos na sila sa kanilang termino. Para naman hindi na mapunta ang kapangyarihan sa iba,” mariing sinabi ni Benjie Roxas.

Okay naman sana dahil itutuloy naman nitong bagong alkalde ang mga naiwang magagandang proyekto ni Toby ng siyang maluklok subalit nagulat ang lahat ng mga taga Navotas ng biglang nagkaroon ng kalakaran sa hukuman ng ang 1st Seafront Renew Inc., ay idinemanda si Mayor John Tiangco at lahat ng miyembro ng konseho ng lungsod para sa kasong GRAFT sa tanggapan ng Ombudsman.

Sa isang 21-pahinang reklamo, 1 Seafront Renew, Inc., na kinakatawan ng kanilang ‘corporate secretary’ na si Bede Tabalingcos, inakusahan si Mayor Tiangco at ang buong konseho ng lungsod ng lumalabag sa Republic Act (RA) 3019, o ang Anti-Graft and Corrupt Practices Act.

Ito daw ay bunsod sa ginawa nilang aprubahan ang maglabas ng resolusyon na kung tila nagbabalewala sa MOA na nilagdaan ng dating alkalde.

Ha? Paano nangyari yan? Wetaminet! Ang ibig mong sabihin ang dating okay kay kuya di okay sa kapatid? O my gulay, nilaglag ang ‘baby ni Toby?’      

 Bakit nagka ganun? Ang proyekto (baby) ni dating Mayor Toby ayon sa reklamo ay sa isang iglap binasura (sa landfill ba?) sa pamamagitan ng pagpasa ng isang resolusyon.

Ang resolusyon na kinikwestyon ay ang City Resolution 2010-98, na ipinasa nung Disyembre ng nakaraang taon ay iniutos ang pagbawi o pagtalikod sa nasabing MOA para sa magka-akibat ng pagpondo ng 659 hektarya sa ilalim ni “North Bay Business Park Reclamation Project”.

Ito ang ikina-aalboroto ng mga namuhunan ng taga 1st Seafront Renew Inc., dahil malaki na rin ang kanilang inilabas na perang puhunan para mag-umpisa ng ayusin ang ‘reclamation’ ngayon mapupornada ang lahat ng ito!

Ayon sa isang impormante ang pagkakakansela ay para magbigay ng panahong magkaroon ng bagong pag-uusap sa pagitan ng administrasyon ni Mayor John Rey at kanyang alipores at ang Seafront Renew.

Ano kaya ang pag-uusapan? Imposible naman hindi pinaalam sa iyo ni Kuya Toby, Mayor John ng umpisahan ang proyektong ito. Eh 'di sana nung una pa lamang hininto na ninyo para naman hindi nasugatan ang inyong kapirmahan!

Dapat din malaman mula sa hukuman kung pwedeng basta na lamang balewalain ang isang kasunduan ng mga dating nanunungkulan pag-upo ng bagong mamamahala sa bayan?

Hindi na lamang yan ang napag-alaman namin mula sa aming impormante.

Mga maimpluensyang tao raw sa Navotas ay humingi ng palugit para mabili nila ang mga lupain na tabi ng proyekto at ito umano ay maipagbili sa mataas na halaga sa mga nasa likod ng proyekto at matutuloy lamang kapag nasa kanila na ang mga lupain. Totoo kaya ito, kayong mga taga Navotas?

Sa reklamo ng Seafront Renew lumalabas ang napinsala sa kanila ay nagkakahalaga ng hindi bababa sa P3.5 bilyong piso.

“Siguradong merong malaking isda na pumalag para hindi matuloy ang proyektong ito. Ipagtanong ninyo sa mga lehitimong negosyante sa Navotas at sasabihin nila sa inyo,” wika ni Benjie Roxas.

SINO NGA BA ang malaking isdang tinutukoy? Sisingaw din ang baho n’yan at mas masahol pa sa botchang isda. Alamin at aming huhubaran ang kanyang katauhan. EKSKLUSIBO dito lamang sa CALVENTO FILES sa PSNGAYON.

PARA sa gustong tumawag o mag-text sa amin, ang aming mga numero ay 09213263166 at 09198972654. Maari din kayong tumawag sa 6387285 o sa 710-4038. Maari kayong magpunta sa aming tanggapan sa 5th floor Citystate Center Bldg., Shaw Blvd., Pasig City.

* * *

Email address: [email protected]

BENJIE ROXAS

ISANG

LSQUO

MAYOR TOBY

NAVOTAS

PARA

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with