'Lease' ni Arroyo sa choppers peke
IBA na ang may pera. Pag-uwing pag-uwi ni dating first gentleman Mike Arroyo mula abroad nu’ng Lunes pinahabla niya agad si negosyante Archibald Po. Nagbulaan kasi umano si Po sa Senado nu’ng Agosto 2 nang sumumpa na kay Mike ang dalawang lumang helicopters na ibinentang overpriced brand new sa Philippine National Police nu’ng 2009. Sa loob lang ng dalawang araw, nabuo ng mga abogado ni Mike ang tatlong-pulgadang kapal na ebidensya. Kinasuhan si Po sa Pasay City ng false testimony, perjury, at offering false testimony in evidence.
Ani Mike, hindi totoong binili niyang brand new ang choppers at ipinatago sa pangalan ng Asian Spirit na pag-aari ni Po nu’ng 2004, pina-maintain kay Po ang aircraft nu’ng 2004-2009, at ipinabenta ito kay Po nu’ng 2009 sa Maptra, na noo’y kumokontrata na mag-supply ng choppers sa PNP. Wala raw iprinesentang solidong ebidensiya si Po.
Samantala, nilakip ni Mike sa demanda ang Aircraft Fleet Service Agreement ng kanyang LTA Inc. sa LionAir ni Po. Pirmado ang “lease” nina Ignacio Arroyo, kapatid ni Mike bilang presidente ng LTA Inc., at ni Renato Sia, umano’y corporate secretary ng LionAir. Umano’y umupa ang LTA Inc. ng limang choppers nu’ng Marso 16-May 15, 2004, nang P9.8 milyon. Katibayan ito ni Mike na hindi kanya ang aircraft.
Tuso man ang matsing, napaglalalangan din. Kung susuriing mabuti ang lease, mapapansin na ninotaryohan ang lease contract sa Makati nu’ng Marso 16, 2004. Ang notaryo publiko ay si Atty. Lope M. Velasco. Heto ang sisti. Ang sedula ni Sia na nakalista ay may petsang Abril 2, 2004. (Si Ignacio ay walang nakalistang sedula.) Lumalabas na nauna pang nanotaryuhan ang kontrata bago nagka-sedula si Sia. Samakatuwid, peke ang lease contract na ebidensiya ni Mike. Sabit!
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: [email protected]
- Latest
- Trending