TAHIMIK ang hidwaan sa pagitan ng Highway Patrol Group (HPG) at Land Transportation Office (LTO).
Hindi man hayagang sinasabi ng dalawang kampo, nakita ito ng BITAG matapos ang isang imbestigasyong isinagawa namin hinggil sa patuloy na pamamayagpag ng iligal na drag racing.
Buwan ng Marso, bago magtungo ang aming grupo sa Estados Unidos, nakasama ng BITAG ang operatiba ng HPG sa isang operasyon laban sa iligal na karera sa Macapagal Avenue, sa pagitan ng Pasay at Parañaque.
Marami ang nakita sa aktong nangangarera. Maging ang mga motor na modified na halatang pang-karera dokumentado ng aming camera at nakita rin ng HPG.
May ilan pa nga, nakasakay pa sa mga SUV. Halatang may malaking operasyon noong gabi na iyon.
Subalit ang mga nakuwestiyon at nahuli, hindi na- dala sa Campo Crame. Ang dahilan ng mga operatiba ng HPG, wala silang paniket.
Isa pang dahilan, walang batas ang Pilipinas laban sa iligal na drag racing. Ang tanging meron lamang, ang napapaloob sa Republic Act 4136 o Land Transportation Code na “over speeding”.
Kaya naman tali pa ang mga kamay ng HPG sa panghuhuli ng mga nasa likod ng iligal na drag racing, kasi’y wala silang paniket. Hindi pa sila binibigyan ng LTO si-mula nakaraang taon.
Sa ilalim din kasi ng ating batas, ang LTO ang may kapangyarihan at otorisadong mag-isyu ng traffic violation tickets sa mga pulis at operatiba, kasama na rito ang HPG.
Paliwanag ng LTO, magagamit daw ang tiket ng mga operatiba sa pang-aabuso. Kaya naman istrikto sila sa proseso kung sino ang mga dapat isyuhan nito.
Mas pinahalagahan ng LTO ang proseso sa lintik na tiket na dapat sana’y iniisyu sa mga operatiba kaysa buhay ng mga napepeste, napipinsala at nasasawi sa kamay ng mga drag racer.
Kung walang tiwala ang LTO sa mga operatiba tulad ng HPG at mobile patrol ng mga pulis, sino pa ang kanilang pagkakatiwala-ang manghuli ng mga pasaway na karerista ng iligal na drag racing?
Buhay pa ba ang LTO Flying Squad? Kailan sila kikilos laban sa iligal na drag racing?
Kinakailangan ang panghihimasok ng Department of Transportation and Communication sa isyung ito. Secretary Mar Roxas, kilos pronto!