ANG sobrang paggamit ng plastic bags sa mga groceries, malls at palengke ay perhuwisyo na ang dulot sa bansa. Pag nagkataon baka ito ang gumunaw sa ating daigdig.
Dapat siguro mag-isip-isip na ang mga gumagawa ng plastic bags na lumipat sa mga material na biodegradable o nalulusaw.
Ang mga mapaminsalang baha na nangyayari nga-yon ay lalung pinalulubha ng mga itinapong plastic na bumabara sa mga daluyan ng tubig.
Sari-saring creative ideas na ang iniisip para mabawasan man lang ang paggamit nito. For example, ang mga malls ay nagbebenta na ng mga reusable bags na yari sa tela.
At noong isang linggo lang, may panukala sa Senado na ang mga mamimili na magdadala ng bayong ay bigyan ng discount. Mukhang magandang ideya ito. Lilikha pa ng empleyo iyan pag nagkataon dahil sisigla ang paggawa ng mga bayong na yari sa mga katutubong halaman.
Ang mga nagsusulong nito ay sina Sen. Bongbong Marcos, Pia Cayetano at Manny Villar. Sasabihin marahil ng iba, paano na yung mga nagtatrabaho sa pagawaan ng plastic bags? Aba eh di imbes na plastic ang gamitin ay mga material na hindi makapipinsala sa kalikasan.
Dapat seryosohin ang problemang ito dahil naranasan na natin ang mga mapaminsalang baha at tila ito’y magaganap na (huwag namang ipahintulot ng Diyos) palagi.
Harinawang sumuporta ang mga malls sa panukalang ito.Sumusuporta umano sa panukala ang Robinson Department Store at Robinsons Supermarket sa isang public hearing ng senate committee on trade and commerce. Sana’t magsunuran ang iba. Maganda siguro kung magbenta na rin sila ng mga bayong.
Noong bata pa ako hindi naman uso ang plastic bags. Puro nga paper bag noon ang gamit. Sa palengke lumang diyaryo lang ang ipinambabalot sa mga itinitindang gulay at tuyong isda.
Back to the basic na tayo kung nais nating maisalba ang daigdig.