Mula sa bintana ng aming tahanan
pinanonood ko ang patak ng ulan;
Kung minsa’y banayad malakas kung minsan
dumadagundong pa sa aming bubungan!
Sa patak ng ulan aking nagunita –
ang isang panahong ako’y isang bata;
Basta’t umulan na ako’y natutuwa
maliligo kaming kabataang pawa!
Sa gitna ng kalye kami’y maglalaro –
sambutan ng bola takbuhang malayo;
At kung nadaramang ang ula’y hihinto
sa mga downspout ay nagpapatulo!
Nang panahong iyon sa aming probinsya
maraming bubungan ang halos sira na;
Naghahanap kami bahay na maganda –
sa tulo ng tubig kami’y agawan pa!
Mga kalye noon ay pawang may drainage
kaya umaagos sa kanal ang tubig;
Mga bahang kalye di mo mamamasid
at di tulad ngayong baha’y lampas leeg!
Sa ngayon ang ulan ay nakatatakot
Bahang paliguan ay may dagang salot;
Dumi nila’t ihi sa sugat papasok
Kaya karamdama’y tiyak na hahaplos!
Wala ring landslide kaming nasalabat
sa bayan at nayong aming nilalakad
Pagka’t kami’y batang mga walang gulat–
takot lamang kami sa kulog at kidlat!
Kaya magkaiba ulan noo’t ngayon
noo’y hintay namin maulang panahon;
Ang mga magulang lalo’t nasa nayon
magtanim ng palay ang tanging ambisyon!
Noon bahay namin kahi’t dampa lamang
kaming mga bata’y masaya ang buhay;
Hindi kami takot maligo sa ulan
pagkat bathtub namin ay kalyeng maluwang!