TUWING tag-ulan, tatlong salot ang tiyak na magbibigay sa atin ng sakit ng ulo. Una ang baha. Tuwing tag-ulan, sa kabila na gumagawa ng mga paraan para matanggal ang mga bara sa daanan ng tubig, nandyan pa rin ang baha, dahil nandyan pa rin ang mga basura. Nasabi ko na sa nakaraang kolum na kung walang gagawin ukol sa mga nagtatapon ng basura sa mga estero, sapa, kanal at ilog, huwag na tayong magreklamo kapag binabaha!
Ikalawa ang trapik. Bukod sa pag-umpisa ng klase, nandiyan din ang mga ginagawa sa kalye na hindi ko talaga maintindihan kung bakit sa tag-ulan pa ginagawa! May dalawang buwang tag-init naman kung saan nila puwedeng gawin ang trabaho nang walang sagabal na ulan at baha. Dahil dito, matindi ang trapik, lalo na sa mga pangunahing daanan. May bagong itinalagang traffic czar ang MMDA, para harapin ang patuloy na problema ng trapik, na malaking balakid din sa ekonomiya kapag pinag sama-sama na lahat ng oras na nawawala sa kalye.
Ikatlo ang dengue. Ang lamok na naghahatid ng dengue ay sa tubig nangingitlog. Sabi nga, kahit sa isang nakatihayang tansan na may tubig ay mangingitlog ang lamok. Sa ngayon, may mga hotspot na sa Quezon City kung saan napakarami na ang apektado ng dengue. Tiyaking malinis ang kapaligiran. Alisin ang mga bagay na naiipunan ng tubig. Baliktarin ang mga balde, palanggana, bote, at iba pang lalagyan ng tubig. Alisin ang mga gulong na nillalagay kung saan-saan. Paborito ito ng lamok dahil bukod sa may tubig, madilim din.
Kung magiging maingat lang, hindi magkaka-dengue. May solusyon sa problema, dahil ang paligid ay sagot natin.