ALAM ng ilang matataas na opisyal ng Philippine National Police (PNP) na segunda mano ang dalawang helicopter na kanilang binili noong 2009 sa ilalim ng Arroyo administration. Pero siguro’y pikit-mata na lang sila sa pag-aaprub ng mga dokumento para matapos na ang bentahan. Pirma na lang nang pirma at bahala na. Maaari rin namang tumatanaw ng utang na loob ang ilang opisyal ng PNP sa Arroyo administration, kaya wala na silang say. Hindi na naisip na maaaring darating na araw na magkakaroon ng imbestigasyon sa mga anomalyang nagawa sa nakaraang administrasyon. Ang masaklap lang, ang PNP ngayon ang iniimbestigahan at pinipiga sa maanomalyang bilihan.
Kaya hindi masisisi si Senate President Juan Ponce Enrile kung pagsalitaan nang masasakit ang mga opisyal ng PNP na nag-aprub sa bilihan ng tatlong helicopter na nagkakahalaga ng P105-million pero segunda mano pala.
Matitindi ang binitawang pananalita ni Enrile sa police officials sapagkat hindi raw nagampanan ang tungkulin at sa halip ay nakipagsabwatan. Ayon kay Enrile, hindi man lang nag-aksaya ng panahon ang opisyal ng PNP na i-check ang mga biniling helicopter. Anong klase raw ang mga opisyal ng PNP na basta na lamang tumanggap nang tumanggap at hindi na nag-inspeksiyon. Paano raw kung depektibo ang mga helicopter.
Si dating First Gentleman Mike Arroyo ang itinuturong may-ari umano ng mga helicopter. Itinanggi ni Arroyo ang akusasyon. Handa raw siyang patunayan na hindi sa kanya ang mga helicopter. Sa Senate hearing noong Huwebes ay hindi dumalo si Arroyo dahil maysakit umano.
Ang mga opisyal ng PNP na pumayag bilhin ang mga segunda manong helicopter ang dapat mahalukay ng Senado. Pigain pa nang husto ang mga opisyal para isuka ang mga naging tran-saksyon sa pagbili ng helicopter na overpriced. Hindi lamang ang tunay na may-ari ng helicopter ang habulin kundi mas lalo ang PNP officials na nagbulag-bulagan.