Walang secret deal
MARAMI ang nangangamba na baka may sikretong kasunduang narating sa lihim na pakikipagpulong ni Presidente Noynoy sa chairman ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa Tokyo kamakailan.
Sa naturang pag-uusap, sinasabing tinalikdan na ng MILF ang dati nilang adbokasya na ihiwalay ang bahagi ng Mindanao sa Pilipinas upang gawing indipindiyenteng bansa.
Subalit ang igigiit na lamang ng MILF ngayon ay ang pagtatatag ng isang “sub-state” na bahagi pa rin ng Pilipinas at ang mga Bangsa Moro ay tatawagin pa ring Pilipino. Tanong ng barbero kong si Mang Gustin: “Di ba ang sub-state ay unang yugto para kalaunan ay humiwalay ito sa Pilipinas?”
Tinitiyak naman ng Malacañang na walang sikretong kasunduan. Ayon kay Executive Secretary Paquito N. Ochoa, Jr. na isasaalang-alang ang saloobin at pananaw ng mga kinauukulan hinggil sa usapang pangkapaya-paan sa pagitan ng gobyerno at Moro Islamic Liberation Front (MILF) bago magpulong ang magkabilang panig ngayong darating na Agosto 22 hanggang 24.
Ayon kay Ochoa, tuloy-tuloy ang ginagawang pagsangguni ng gobyerno sa mga kinauukulan bilang pag-hahanda sa nalalapit na pagpupulong.
Ang usapin ng “sub-state” ay hindi madaling ipatupad. Mangangailangan ng pagsususog sa Konstitusyon at taumbayan ang pinal na magraratipika komo usapin ng soberenya ang nakataya. Sabi ng Palasyo, nananatili ang paninindigan ng Pangulo na huwag isulong ano mang pagbabagong pangkalahatan sa Konstitusyon.
Sinabi ng Executive Secretary na natitiyak na pag-uusapan ng dalawang panig ang mahahalagang adyenda sa nalalapit na pormal na pagpupulong ngayong buwan makaraang makausap ni P-Noy ang mga pinuno ng MILF sa Tokyo, Japan kamakailan.
Ani Ochoa, ang natu-rang pagharap ni P-Noy sa MILF leaders sa Japan kamakailan ay isang katiba-yan na tapat ang hangarin ng Pangulo na makamit ang tunay at pangmatagalang kapayapaan sa Mindanao.
- Latest
- Trending