Mga magandang balita, sana tuluy-tuloy
GANITO ang mga gusto kong balita. Pitong suspected carnappers ang napatay ng mga pulis sa dalawang magkahiwalay na enkuwentro. Ganito dapat ang ginagawa ng PNP at hindi ‘yung bumabaril ng sibilyan habang wala sa duty dahil napikon lang. Sana mapatay lahat ang mga carnapper na iyan, na kailan lang ay naghasik ng lagim dahil sa sunod-sunod na pagnakaw ng mga sasakyan at pinapatay pa ang driver o may-ari. Kung anoman ang ginagawa ng mga pulis ngayon para mabantayan ang mga sindikato ng carnapping, mukhang sumusulit na. Maganda rin at walang namatay sa mga hanay ng pulis sa mga enkuwentrong ito, bagama’t may nasaktan.
Kung ganito ang mababasa araw-araw, malaki kaagad ang epekto sa pagbabalik ng tiwala ng mamamayan sa PNP. Sunod-sunod ang natatanggap na hagupit ng PNP sa kanilang imahe, dahil sa mga tiwaling pulis, maging sa pinaka-mababang ranggo hanggang sa mga heneral mismo! Kung nakikita ng publiko na maraming nahuhuling criminal at mapapanatiling tahimik ang siyudad, magbabalik ang kanilang tiwala.
Ngayon ang pinaka-magandang panahon para mabago na nang husto ang PNP, sa ilalim ni President Aquino. Una, nangakong walang bibilhing lumang kagamitan ang gobyerno para sa PNP. Kung mapapaganda ang kagamitan ng PNP para sa paglaban sa krimen, katulad ng mga hi-tech na pagmanman, mga bagong armas, mga kagamitan para sa SOCO at kung ano pa, mas malalabanan ang krimen. Pangalawa, sa ilalim ng administrasyong ito magagawa ang lahat ng paglinis sa sistema para tuluyan nang mawala ang korapsyon. Kung mawala ang korapsyon, mas magiging epektibo ang PNP sa paglaban sa krimen. Pangatlo, dapat siyasatin mabuti ang lahat ng gustong pumasok sa PNPA at maging pulis. Idaan sa matinding screening, para wala nang makalusot na katulad ni Harold Meneses.
At pang-apat, pag-aralang mabuti ang pagbibigay ng pahintulot na magdala ng baril sa labas ng bahay. Kailan lang ay may nabaril na namang mga tao, dahil lamang sa alitan sa trapik. Sabihin nating hindi naman kriminal yung bumaril, pero may dala ngang baril dahil may pahintulot. Sapat na ba ang alitan sa trapik para pumatay? Mga ganitong klaseng tao ba ang nabibigyan ng pahintulot magdala ng baril? Kailangang pag-aralan ang pagdadala ng baril sa labas ng bahay, dahil marami ang pumapalag sa mga patakaran ng PNP hinggil dito. Ang alam ko, hindi puwedeng nasa katawan, o nakasukbit sa kahit anong pamamaraan ang baril, kahit may lisensiya pang magdala sa labas ng bahay. Alam ko, dapat nasa isang bag, at wala sa katawan. Marami ang umaangal, pumapalag o nakikipag-debate pa sa patakarang ito, maging matalino o walang pinag-aralan. Kaya dito pa lang, dapat kumilos na ang PNP. Walang argumento sa kung gustong magkaroon ng baril para sa proteksyon ng pamilya at pag-aari. Ang mahirap, yung mga iresponsable na nabibigyan pa ng pahintulot magdala sa labas. Sino ba ang may ayaw ng ligtas na lansangan? Pati ang PNP sigurado ako, gusto iyon.
- Latest
- Trending