Pati banka nadadaya
NAGULAT ako sa balita na may sindikato ng mga manunugal na nakagantso sa PAGCOR ng di kukulangin sa P150 milyon. Sinasabing mga Singaporeans ang mga mandarayang ito.
Sabagay kumpara sa bilyun-bilyong pisong kita ng PAGCOR mula sa mga casino nito, maliit na halaga iyang P150 milyon. Pero dapat sigurong maghigpit ang PAGCOR para maiwasan ang ganyang mga lisyang diskarte ng international swindlers.
Ayon sa pamunuan ng PAGCOR, mala-palos ang mga diyaskeng sindikatong ito. Nakalabas na raw ng bansa dahil ang gamit nila’y maraming pasaporte. Dapat din marahil busisiin ang ating immigration dahil pinabayaang makalusot ang mga manlolokong ito. Kasi may hold-departure order na pala’ng ipinalabas pero nakapuslit pa’ng papalabas ang apat na Singaporeans.
Hindi ko maintindihan kung bakit nakunan na ng CCTV ang akto ng pandaraya ang mga manggagantso pero naipagpatuloy pa rin ang paglalaro? Huli na nang matuklasan ang modus operandi. Ito’y nang I-review ng mga taga-PAGCOR ang video. Hindi kaya maganda na magtalaga ng mga magmomonitor para kung may nagaganap na dayaan ay mapigilan agad? Ang mga opisyal na PAGCOR sa pangunguna ni Jay Santiago, bise presidente para sa corporate ang legal service ay iginisa sa isang pagdinig ng Mababang Kapulungan tungkol sa isyu.
Maliit na halaga ang involved pero dapat nang maghigpit ang PAGCOR para huwag nang maulit ito. Baka kapag napabayaan ay paulit-ulit na mangyari kawawa naman ang mga kababayan nating natutulu-ngan ng charity component ng ahensya.
* * *
Isang Ernesto Lim ang humihingi ng tulong sa atin.
Pantawag-pansin lang daw. Nakabili daw siya ng modelong BMW noong 2009. Pinaghirapan daw niyang ipunin ang perang pambili nito.
Tumirik ang sasakyan ni Lim makalipas ang dalawang taon lamang pero sa halip na palitan ito ng bago ng Asian Carmakers Corporation (ACC) na nangangasiwa ngayon sa BMW dito sa Pilipinas ay kinumpuni na lamang ang sira na nasa bahagi pala ng transmission isa sa mga maselan at mahal na piyesa.
Sakop pa ng warranty ang sasakyan pero ayaw itong pa-litan ng ACC kaya ang tanong ay “paano kung maulit ito?”
- Latest
- Trending