^

PSN Opinyon

'Laruang baril(?) Totoong kulungan!'

- Tony Calvento -

MAGBIRO ka na lasing huwag lang sa batang may karam­da­man.

?Tagu-taguan maliwanag ang buwan…? pag-awit ng isang siyam na taong gulang na bata.

Nagmasid siya sa paligid. Paglingon niya isang baril na ang umano’y nakatutok sa kanya.

Natakot ang bata… nangisay-ngisay… bumagsak sa lupa. Ang kalaro naman ay tumakbo inakalang tinamaan ng baril ang bata.

Natauhan ang mga lasing na mangingisdang kainuman nitong mamang nanutok umano ng baril sa Vinzons, Camarines Norte.

Pati ang nanutok nabigla sa bilis ng mga pangyayari. Kin­ilala ang lalakeng nanutok na si Gilbert “Awo” Aguiling, 31 taong gulang.

Nagsadya sa amin tanggapan ang kapatid ni Awo na si Luzviminda Aguiling mas kilala sa tawag na “Neneng”, 30 anyos. Tindera ng isda sa Cristina Fish Dealer, Novaliches.

Kasong ‘Grave Threats in relation to R.A 7610 o Child Abuse’ ang kinakaharap ng kapatid.     

“Baril-barilan yun. Walang baril ang kapatid ko,”depensa ni Neneng.

Ikinwento sa amin ni Neneng ang balitang nakarating sa kanya galing probinsya.

Hulyo 17, 2011 bandang 12:00 ng gabi, nakatanggap ng tawag si Neneng galing sa kaibigan ni Awo na si Jomar, “Nakakulong ang kuya mo! Nanutok ng baril.

Ayaw maniwala nitong si Neneng dahil boses lasing ang kan­yang kausap.

Tinawagan agad ni Neneng ang inang si Nenita bandang alas-3:00 ng umaga.

“Inay… ano ba itong nakarating sakin? Nakakulong daw si kuya!” pambungad na bati ni Neneng sa ina. Pinagtapat ni Nenita ang nangyari.

Mag-iilaw daw dapat ng isdang huhulihin sa pangpang si Awo at iba pang mangingisda. Hindi sila natuloy dahil nasira ang motor ng kanilang bangka (pump boat ). Naisip nilang mag-inuman na lang sa bahay ng kabaryong si Buenevida.

Naglatag ng mesa sa labas sina Awo. Kumakagat pa lang ng dilim simula na ang tagayan. Habang nag-iinuman, naglalaro si Rachelle ng tagu-taguan kasama ang pinsan na kanyang ka-edad na si “Marie” (di tunay na pangalan).

Kwento ni Neneng, lumapit si Marie kina Awo. Hinawakan ang umano’y laruang baril na nakapatong sa mesa at sinabing, “Kuya pahiram…”

Lagi raw bitbit ni Awo ang baril-barilang ito na pag-aari ng kanyang pamangkin.

Makalipas ang ilang segundo nangisay na lang bigla si Rachelle na noo’y nasa gawing likuran lang ni Marie.

Kinarga ni Awo ang bata at mabilis na inuwi sa kanilang bahay. Hindi na daw bago ang pangyayaring ito, madalas daw kasing atakihin ng ‘epilepsy’ si Rachelle.

Naabutan ni Awo ang ina ng bata na si Madelyn Lagomin.

“Ang anak mo inatake na naman!” sabi ni Awo.

Hindi naman daw kumibo si Madelyn at parang wala uma­nong nangyari.

Bumalik sa inuman si Awo. Bandang alas-7:40 ng gabi nagulat ang lahat ng biglang dumating ang mga pulis Vinzons.

Dinampot sa Awo, diniretso sa presinto at ikinulong.

Napag-alaman ni Awong ng mahimasmasan si Rachelle at mag­kamalay, sumbong nito tinutukan siya ng baril ni Awo. Nahimatay siya sa sobrang takot.

Nagreklamo ng kasong ‘Illegal Possession of Firearms’ si Madelyn. Na-‘recover’ ang baril na kumpirmado naman umanong laruang baril (gun replica).

Kinasuhan rin si Awo ng ‘Grave Threats in relation to R.A 7610 o Child Abuse’ para sa pobyang tinamo umano ni Rachelle. Kasong Grave Threats naman dahil sa pagbabanta daw niya sa buhay ni Madelyn.

Aminado si Neneng na nakapagsalita ng hindi maganda ang kapatid. Habang siya’y nasa kulungan nasabihan niya ang ina ni Rachelle, “Kapag nakawala ako dito…babalikan kita!”

Sa ngayon ilang linggo ng nakakulong ang kapatid sa Vin­zons Jail. Walumpung Libong Piso ang halaga ng piyansang kakailangang bayaran ng pamilya Aguiling.

Walang ganitong kalaking pera sina Neneng kaya’t sinu­bukan nilang kausapin si Madelyn maging ang tatay nito subalit ayaw nilang magpaareglo. Hindi malaman nila Neneng kung anong depensa ang pwede nilang gawing dahil ang pinag-ugatan ng lahat ng ito ay biro lang.

Itinampok namin sa CALVENTO FILES sa radyo ang “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ 882KHZ (tuwing 3:00-4:00 ng hapon) ang istorya ni Neneng.

Bilang aksyong nirefer siya sa Department of Justice Action Center (DOJAC) para makipag-uganayan sa Prosecuting Office ng Vinzons Camarines Norte. Gayun din sa Public Attorney na may hawak sa kasong ito sa hukuman kung saan ito dinidinig.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, ang ilegal na pagdadala ng baril ay mahigpit na pinagbabawal. Saklaw ito ng Republic Act 8294 o ‘Illegal Possession of Firearms’. Nakapaloob din sa batas na ito na hindi lang baril ang pinagbabawal kundi ang pagdadala rin ng mga ‘gun replicas’ (toy gun, airsoft riffles) at pati nga sa mga ‘malls’ ay binawal ang pagtitinda nito. Naiintindihan ko ang pagmamahal ni Neneng sa kanyang kapatid pero mahirap rin namang basta na lang tanggapin na ang bata ang mismong humawak ng baril (baril-barilan) at bigla na lang hinimatay ito.

Madalas kong sabihin na ang testimonya ng bata ay binibigyang bigat o timbang ng isang pag-uusig o paglilitis sa Korte. Nahuli itong si Awo ‘inflagrante de licto’ o ‘caught in the act’ na nasa kanya yung baril kaya’t mabilis na kinalaboso ito. Dapat lang para naman magtanda! Dinagdagan pa niya ang kanyang problema ng magbitiw siya ng mga pananakot na salita.

Ang lugar kung saan sila naroroon ay hindi kalakihan, magka­kakilala sila. Naniwala din ako na kung dadaanin sa mahusay na pag-uusap baka naman mapatawad nitong si Madelyn ang insidenteng nangyari sa kanyang anak.

Para naman kay Awo, alam mo naman na epileptic ang bata sana naging maingat ka sa yong ginagawang biro. (KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL)

Sa gustong dumulog ang aming numero ay 09213263166 o 09198972854. Ang landline, 6387285 at 24/7 PLDT hotline 7104038. Maari din kayo magpunta sa 5th floor CityState Centre bldg. Shaw Boulevard., Pasig Citymula Lunes-Sabado.

* * *

Email address: [email protected].

AWO

BARIL

LANG

LSQUO

MADELYN

NENENG

RACHELLE

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with