Hindi lang kagamitan
Napakahirap ng sitwasyon ng mga kapamilya ni Mikael Troy Rasay, ang 18-taong gulang na Fil-Norwegian na binaril ng tatlong beses sa likod ng isang pulis habang umaawat ng gulo sa Quezon City mahigit isang linggo na nakalilipas. Paalis na si Rasay nang barilin ni PO1 Harold Meneses ng Manila’s Finest. Nagtatago na ang pulis.
Hindi puwedeng magkalimutan na lang. Pinatay ng pulis ang isang mahal sa buhay! Dapat lang kasuhan at parusahan sa ginawang krimen. Pero ang pamilya ni Mikael ay nasa Norway. Kaya napakahirap habulin at bantayan ang kasong isasampa sa pulis. Pulis pa, kaya natural na tutulungan ng kapwa pulis iyan, kahit siya ang may kasalanan. Bakit siya magtatago kung hindi takot humarap sa isang imbestigasyon? At nasaan ang mga siga na kasama ngayon? Nanliit na rin na parang makahiya? Matatapang lang dahil may kasamang pulis? May mga nagsabi, magaling daw lumaban si Rasay kaya may mga napabagsak. Kaya napikon umano yung pulis, dumilim ang paningin, kaya binaril. Eh di hindi dapat pumasa iyan bilang pulis! Napakasama rin nito para sa turismo ng bayan. Wala pang isang taon ang hostage taking, kung saan sangkot din ang Manila’s Finest, eto naman! Sa panayam sa mga kaibigan at kamag-anak ni Rasay, natatakot na rin silang umuwi ng Pilipinas dahil baka maka-enkwentro ng isa pang Harold Meneses na hindi alam kung kailan gagamitin ang baril!
Nangako pa naman si President Aquino na lahat ng kailangan na gamit ng PNP ay bago bibilhin, at walang segunda-mano. Alam na ng lahat ang kontrobersiya sa PNP ngayon, kung saan dalawang segunda-manong helicopter ang binili ng PNP, kahit alam na gamit na at ang pangangailangan nila ay mga bagong unit. Kung saan-saan na umaabot ang akusasyon, kasama na ang dating Unang Ginoo na kababalik lamang mula Hong Kong. Siguro mga aplikante ang dapat siguraduhing “bago”, at hindi mahihinang klase. Si Harold Meneses ay mahinang klase. Hindi na dapat umabot sa pagiging pulis ito, kundi buhay pa sana si Rasay, at nakabalik na ng Norway. Sana may mangyari sa kasong ito, at hindi mabaon sa sistema, at sa limot! Sana ay magbago na talaga ang imahe ng PNP. Iyon ang dapat baguhin, hindi lang kagamitan!
- Latest
- Trending