Editoryal-Ibalik ang pagtitiwala ng taumbayan
SA talumpati ni President Noynoy Aquino kahapon sa ika-110th Police Service Anniversary sinabi niyang lumabnaw ang pagtitiwala ng taumbayan sa ilang pulis na nagwawangwang. Dahil sa ginagawa ng ilang pulis naghatid ito ng takot at pangamba kaya naman ang pagtingin sa buong PNP ay apektado na rin. Ang akala, lahat ng mga miyembro ng PNP ay masasama at wala nang pag-asa pang magbago.
Hindi naman masisisi kung masindak, matakot at mawalan ng tiwala ang taumbayan sapagkat maraming pulis ang sa halip na tumulong at magprotekta sa mamamayan ay sila pa ang nagpapahamak. May mga pulis na sangkot sa krimen, salvaging, illegal drugs, carnapping at iba pa. May roong pulis na nagpapahirap sa mga nahuling suspect. Katulad ng isang police inspector mula sa Manila Police Department na nakunan ng video habang hinihigit ang nakataling ari ng hubu’t hubad na suspect na nakahiga sa mismong presinto. Sumisigaw sa sakit ang suspect pero patuloy ang inspector sa paghigit sa tali.
Eto pa. Noong nakaraang linggo, ipinalabas sa TV patrol ang pagpapakain ng sili sa mga police trainees sa Camp Eldridge, Los Baños, Laguna. Pag katapos pakainin ng sili, pinainom pa sila ng tubig na may paminta. Hindi pa nasiyahan, pinadilaan pa sa trainees ang seal ng PNP na pinahiran ng sili. Sumisigaw ang trainees dahil sa anghang. Sinibak na umano ang mga police trainors na nagpakain ng sili.
Kahapon, ginawaran ni P-Noy ng medalya ng katapangan si Sr. Insp. Charity Galvez dahil hindi umatras sa mga lumusob na 250 rebeldeng NPA sa kanilang presinto sa Trento, Agusan del Norte. Pinamunuan ni Galvez ang mga pulis at nakipagbakbakan sa NPA. Umatras ang NPA. Pinuri rin ni P-Noy ang isang pulis na nakipagbakbakan sa bus robbers sa NLEX sa may Pampanga. Isa pang pulis sa Southern Police District ang pinarangalan ni P-Noy dahil sa pakikipaglaban sa mga holdaper sa Parañaque.
Sila ang mga tunay na lingkod ng taumbayan. Sila ang dapat tularan ng iba pang pulis sa kasalukuyan. Ang mga katulad nila ang magbabalik sa tiwala ng taumbayan. Hindi pa naman huli ang lahat para magbago ang mga pulis na naliligaw ng landas.
- Latest
- Trending