Sa pitak na ito’y lubhang magaganda
Ang mga sinabi ni P-Noy sa SONA;
Kanyang ibinando ang maraming sala
Ng mga tauhan ng rehimeng Gloria!
Tamang si P-Noy lang ang dapat magsabi
Mga kamaliang ginawa ng huli;
Mga kasalanang sa ati’y nakubli
Kaya itong bansa ngayon ay pulubi!
Kung hindi nangyari ang pagmamalabis
Tayong lahat ngayo’y hindi nagtitiis;
May mga lugaring tao’y nahahapis
Kapos sa pagkaing biyaya ng langit!
Maraming pamilya ngayo’y nagugutom
Sapagka’t ang pera ay naubos noon;
Mga anomalyang natuklasan ngayon
Pawang kagagawan nang unang panahon!
Ang gobyerno noon kung naging matipid
Walang magugutom na ating kapatid;
Dahil sa hangaring sa pwesto’y mabalik
Sinaid ang pera sa lahat ng panig!
Sa lahat ng sector ng ating gobyerno
Ang mga opisyal binusog nang husto;
Mga pandaraya na ngayo’y nabisto
Perang milyo’t bilyon ang ginamit dito!
May mga sector pang ngayo’y umaalma
Ang SONA ni P-Noy hindi raw tama;
Sa sistemang ito’y halatang-halata
Sila’y nakinabang sa rehimeng Gloria!
At ngayong wala na nagdaang rehimen
Si P-Noy ang dapat na samahan natin;
Sa bagong pangulo tayo ay maghain
Ng mabuting hangad – tapat na damdamin!
Tayo ay aangat sa magandang bungang
Ngayo’y sasaatin sa dakilang nasa;
Si P-Noy ang dapat samahan ng bansa
Upang tayong lahat maging masagana!