'May prostate cancer kaya ako?'
Ako ay 55-anyos na, may asawa at isang anak. Nitong mga nakaraang buwan, may mga napapansin sa aking sarili at isa na rito ang madalas na pag-ihi sa gabi. Napupuyat ako dahil sa madalas na pag-ihi pero ang nakapagtataka ay kaunti lang naman ang nailalabas kong ihi. Sintomas ba ito na may prostate cancer? Ano po bang test ang ginagawa para malaman kung may prostate cancer?
Marami pong salamat sa payo. —LEO A. MANSALAPUS, San Pablo City, Laguna
Isa sa mga sintomas ng prostate cancer ay ang madalas na pag-ihi sa gabi – maaaring apat hanggang limang beses. Sintomas din ang masakit na pag-ihi at kakaunti lang ang inilalabas. Sa kaso mo na madalas umihi, maipapayo ko na magpa-check-up para malaman ang dahilan kung bakit madalas kang umihi. Maaaring diabetic ka. Kailangang malaman ang dahilan.
Isa rin sa mga sintomas ng prostate cancer ay ang madalas na pananakit ng pelvic.
Nade-detect ang prostate cancer sa pamamagitan ng prostate-specific antigen (PSA) test. Ang prostate cancers ay karaniwang nagpo-produce ng extra PSA at nade-detect sa dugo. Ang PSA ay protein na pino-produced ng cells ng prostate gland. Kukunin ang measurement ng level ng PSA sa dugo. Kukuha ang doctor ng blood sample at amount ng PSA at eeksaminin sa laboratory. Ang normal value ay mula 0 hanggang 4 mg.
Kung ang PSA ay mahigit 10, kailangan ang atensiyon sa problemang ito.
- Latest
- Trending