Integridad, dignidad
BUMITIW na bilang senador si Juan Miguel Zubiri. Nagbigay ng talumpati sa Senado, at sinabing ayaw niyang masira ang pangalan niya at ng kanyang pamilya, dahil sa mga lumalabas na paratang na nakinabang siya sa malawakang dayaan sa Maguindanao noong 2007 elections. Si Zubiri ang nakakuha ng huling puwesto sa Senado, na pinaglalabanan nila ni Koko Pimentel. Sa kanyang talumpati, iginiit niya na wala siyang personal na ginawa para mandaya sa halalan, at hindi niya kinukunsinti ang anumang pandaraya sa isang eleksyon. Nilista niya ang kanyang mga nagawa sa apat na taon bilang senador. Hindi umano niya ipagpapalit ang anumang kapangyarihan, kayamanan o posisyon sa gobyerno para sa kanyang dignidad at integridad. Masyado na raw nasasaktan ang kanyang mga kapamilya’t kaibigan sa mga paratang sa kanya, kaya minabuti na niyang magbitiw.
Maraming pumuri sa ginawa niyang pagbitiw dahil nga sa mga lumalabas na testigo na nagsasalaysay na nagkaroon ng malawakang pandaraya noong 2007. Bagama’t hindi naman direkta siyang tinutukoy ng mga lumalabas na testigo, nakinabang umano siya sa mga ginawang pandaraya, partikular sa Maguindanao. Kaya naman sina Lintang Bedol at Zaldy Ampatuan ay natuwa sa kanyang ginawang pagbitiw, dahil ayon sa kanila, hindi malinis ang pagkakapanalo ni Zubiri. Pati ang kanyang katunggali para sa huling posisyon sa Senado ay pumuri sa kanyang pagbibitiw, pero kumambiyo rin at dismayado na hindi inamin na siya’y nandaya talaga. Siguro nasa mamamayan na kung ano ang ihahatol sa ginawa ni Miguel Zubiri, pero mabango ngayon ang kanyang imahe dahil sa pagbibitiw, na hindi karaniwang ginagawa ng marami niyang kaalyado sa pulitika!
Pero magpapatuloy pa rin ang imbestigasyon sa naganap umanong dayaan. Ilang testigo na nakisapi sa paggawa ng pagpalit ng mga election returns ang nagsumite na ng kanilang affidavit. Utos din ng Palasyo na ipagpatuloy ang imbestigasyon, at kasuhan ang dapat kasuhan. Kaya bagama’t kapuri-puri ang ginawa ni Zubiri, maaari pa siyang kasuhan kung mapapatunayan na siya mismo ang nandaya noong 2007.
- Latest
- Trending