DARATING ang araw na wala nang mag-aaplay para maging pulis. Matatakot na sila dahil sa pagkain pala ng sili sasanayin. At hindi lamang ‘yan, ikukuskos pa ang sili sa kanilang puwet at ari. Ganito pala ang training na dadaanan bago maging pulis. Kaysa maging pulis ay di pumasok na lamang sa karnabal at doon kumain ng sili. At least ang pagkain ng sili sa karnabal ay bukal sa kalooban at para kumita. Kailangang tiisin ang anghang para may maipambuhay sa pamilya. Pero kung papasok sa PNP at kailangang kumain at pahiran ng sili sa ari, malaking kalokohan ito.
Ganyan ang sinapit ng mga police trainees sa kamay ng mga pulis na humawak sa kanila. Sili ang ipinakain at ipinahid sa kanila. Nangyari ang kawalanghiyaan ng mga pulis sa Camp Eldridge, Los Baños Laguna noong March 2010. Naganap umano ang pagpapakain ng sili sa isang subdibisyon na malapit sa kampo. Nakunan ng video ang pagpapakain at pagpapahid ng sili sa mga trainees. Umaatungal ang mga trainees sa hapdi ng sili sa kanilang ari. Hindi naman matukoy kung sino ang kumuha ng video.
Umano’y may 12 trainees ang sumailalim sa pagsasanay para sa special counter-insurgency course sa Calabarzon ng panahong iyon. Ang kanilang handlers ay pawang may mga ranggo umanong PO1. Walong police officer ang sangkot sa pagpapakain ng sili. Sinibak na umano ang walong pulis “sili”.
Marami nang masamang gawain ang naika-kapit sa mga pulis at nadadamay na ang mga mabubuting pulis. Noong nakaraang taon, isang police inspector mula sa MPD ang nakunan ng video habang tinotorture ang isang suspect. May mga pulis na isina-salvage ang suspect. Marami pang masamang gawain ang mga pulis.
Ang ginawa sa mga trainees ay napakalupit. Sobrang anghang. Kahit sino ay aaray sa kirot at hapdi. Dapat lang sibakin ang mga “pulis-sili” na nakilalang sina Roque Oro, Evan Mark Cuartero, Jhun Plunelo, Melvin Malihan, Rovylyn Addatu, Marfe Adler, Allan Pascua at Troy Sumayod.