KAPAG nababanggit ang salitang OFW, ang kadalasang naiisip ay mga domestic helper, trabahador at empleyado sa mga bansa sa Middle East.. Malaking porsyento nga ng mga OFW ay nagtatrabaho sa mga industriyang iyon. Pero may mga OFW na hindi kaagad naiisip, ang mga Pilipinong seamen o mandaragat. Ayon sa presidente ng Associated Marine Officers’ and Seamen’s Union of the Philippines (AMOSUP) na si Dr. Conrad Oca, higit $600 milyon ang pinadala ng mga 300,000 seamen sa bansa sa unang ikaapat na bahagi ng 2011. Dagdag pa ni Dr. Oca, malaking porsiyento ng perang napapadala ng seamen ay galing sa mga kumpanyang base rin sa Asya. Patunay na malakas pa rin ang ekonomiya ng mga bansa sa rehiyon, kumpara sa mga ibang kanlurang bansa ngayon. Napakalaking kontribusyon sa bansa ng mga seamen na napakahirap din ng dinadaanan para lang makatrabaho, at makapagbigay ng magaganda at maginhawang buhay sa kanilang pamilya.
At para sa pamilya nga ang karaniwang sagot kapag tinatanong ang mga seamen kung bakit tinitiis na mahiwalay sa pamilya at mabuhay sa laot ng dagat ng ilang buwan. Buhay na hindi madali, kahit ano pa ang sabihin ninoman. Iba ang mabuhay sa isang barko kung saan maliit lang ang iniikutang lugar, kung saan nasa kamay ng dagat ang barkong sinasakyan. Kapag nagsu-ngit ang panahon, mga alon na sintaas ng mga gusali ang kailangang baybayin, at tiisin, hanggang kumalma muli ang karagatan. Kaya kailangan ay malusog at matipuno ang Pilipinong seamen!
Ang AMOSUP ang pinaka-malaking organisasyon ng mga seamen sa bansa. Limang dekada nang nangangasiwa sa kapakanan ng Pilipinong mandaragat, na itinaguyod mula sa simpleng pagsisimula ng yumaong Capt. Gregorio S. Oca. Kabahagi ng organisasyong ito ang Maritime Academy of Asia and the Pacific, isang kolehiyo para sa kursong mandaragat, na may tema rin ng isang military academy, para maukit ang disiplina at pamumuno sa mga mag-aaral. Nagtatapos na mga opisyal ang mga mag-aaral dito, at tuluyang nagiging mga opisyal ng iba’t ibang barko, sa iba’t bang kumpanya sa buong mundo. Dahil sa ganitong pagsasanay, paborito ang Pilipinong seamen dahil sa maraming katangian. Disiplina, pamumuno, pagsisikap, pati na rin ang likas na katangiang makaintindi ng Ingles. Madaling makausap, madaling makatrabaho. Iyan ang Pilipinong seamen. Isa ring bagong bayani, na kabalikat sa pag-unlad ng bansa!