ISA sa madalas pag-awayan ng mag-asawa ay ang pag-angkin ng isa sa ari-ariang naipundar nila kahit sinasabi ng kabiyak na silang dalawa ang may-ari nito, tulad ng nangyari sa mag-asawang Art at Eva.
Tatlumpung taon ng kasal sina Art at Eva bago nila nabili ang lupang pinag-aawayan ngayon. Ang dalawang parselang lupa ay nasa Quezon City. Nabili ng mag-asawa ang lupa matapos ang World War II. Sentimo pa lang ang halaga ng kada metro kuwadrado ng lupa noon at madaling bayaran ng hulugan. Matapos bayaran, gumawa ng kasulatan ng bentahan ang nagbenta sa pa-ngalan ni Eva pero nakapirma rin si Art na pumapayag siya sa bentahan bilang asawa ni Eva.
Nagpatayo nang mga apartment si Eva sa lupa gamit ang inutang na pera kung saan nakapirma pa rin si Art na pumapayag siya sa pangungutang ng asawa. Ang mga lease contract ay nakapangalan kay Eva bilang nagpapaupa pero nakapirma pa rin si Art bilang katiba-yan ng kanyang pagpayag.
Kasabay ng paglago ng kanilang ari-arian ay ang pagbagsak naman ng relasyon ng mag-asawa. Naghiwalay sila.
Ibinenta ni Eva ang mga ari-arian sa isa sa mga umuupa ng apartment. Ginawa ang kasulatan ng bentahan na hindi nalalaman ni Art. Kahit hindi pumayag ang lalaki ay nagkaroon ng panibagong titulo ang lupa sa pangalan ng bumili. Nakuha ni Eva ang lahat ng pinagbentahan ng lupa. Nang malaman ito ni Art, kinuwestiyon niya ang nangyaring bentahan, wala raw itong bisa sa kanyang parte ng ari-arian. Tama ba si Art?
TAMA. Ang ari-arian na nabili o nakuha sa panahon na kasal ang mag-asawa ay itinuturing na “conjugal” o pag-aari ng mag-asawa. Walang epekto kahit naparehistro ito sa pangalan lang ng isa sa kanila. Hindi naman nawawala ang karapatan ng tunay na may-ari nito kahit naparehistro na ito sa ibang tao. Ayon sa batas (Sec. 465, P.D. 1529 & Sec. 70 Land Registration Act), naroroon pa rin ang karapatan nila bilang isang asawang kahati sa ari-arian. Kung hindi naapektuhan ang conjugal share sa ginawang pagpaparehistro ng lalaki sa lupa sa kanyang pa-ngalan lang, ganoon din kung sa babae ito ipapangalan.
Ang sinuman na bumibili ng lupa na rehistrado sa pangalan ng isang babaing may-asawa ay dapat alerto sa kaalaman na “conjugal” ito. Lalo sa kaso ng isang umuupa na alam na noong umupa siya ay kailangan na may permiso ng asawang lalaki. Bakit noong nagkabentahan na ay hindi na niya hinanap ang permiso ng lalaki sa kasulatan ng bentahan? Hindi hamak naman na mas mala-king karapatan sa pagsasalin ng ari-arian ang hinihingi sa bentahan ng lupa (Mendoza vs. Reyes, 124 SCRA 154).