NAGRESIGN na si Sen. Juan Miguel Zubiri dahil sa isyu ng pandaraya sa 2007 election na ipinupukol sa kanya lalu na ng tinalo niyang si Coco Pimentel. Si Zubiri ay kaalyado ni Mrs. Arroyo nang tumakbo ito sa partido ng administrasyon.
Sa kanyang privilege speech, tinuran niya ang “delicadeza” kung bakit ginagawa niya ang isang mataas na antas na sakripisyo. Pati raw mga anak niyang mag-aaral ay tinutukso sa paaralan na anak ng “mandaraya” at ang kanyang ina ay nagkasakit dahil sa isyu. Hindi niya inaamin ang pandaraya pero ang usapin daw ay nagbunga ng matinding epekto sa personal na buhay niya.
Pahimakas na sana ito ng paglantad ng buong katotohanan sa umano’y dayaan sa 2004 at 2007 polls. Si retiradong Marine Brig. Gen. Francisco Gudani ang tinutukoy sa kontrobersyal na “Hello Garci” tape na hadlang sa pandaraya sa 2004 presidential elections sa Mindanao kung kaya sinibak sa tungkulin. Sabi niya, walang lihim na hindi ibubunyag ng Diyos lalu pa’t ito’y isang karimarimarim na katiwalian.
Isang taong may takot sa Diyos si Gudani at hindi mapapayagang maging instrumento siya ng pandaraya. Bawat pangungusap na sinasambit niya ay laging may lakip na Salita ng Diyos. Kaya nang alisin siya sa pamumuno ng 1st Marine Brigade at Joint Task Force Lanao, malayang naisagawa ang manipulasyon sa eleksyon.
Ngayong wala na sa kapangyarihan ang mga taong inaakusahan ng pandaraya, isa-isang nagsusulputan ang mga testigo para patunayang may naganap ngang dayaan noong 2004 na nagluklok kay dating Presidente Gloria Arroyo (ngayon ay Pam panga Representative). Ang masaklap, pinararatangang namumulitika si Presidente Noynoy Aquino.
Palagay ko’y hindi nalalaman ni Mrs. Arroyo ang mga nangyayari ngayon dahil bawal sa kanya ang ma-stress at binabawalang manood ng telebisyon o magbasa ng diyaryo, pati na ang tawag sa cellphone habang siya’y nagpapagaling mula sa isang maselang operasyon.
Tingin ko, kung mapatunayan man ang pandaraya ni Mrs. Arroyo, ang kasong maisasampa laban sa kanya ay electoral sabotage. Ayon sa mga abogado, walang prescriptive period ito. Sana ay mag bigay ng leksyon ito sa mga politiko na huwag mandaya sa eleksyon sapagkat ang kamay ng batas ay hindi maikli at sooner or later, mananagot ang mga may kasalanan.