'Suyurin, walisin!'

SUNUD-SUNOD na naman ang mga reklamo at sumbong na natatanggap ng BITAG laban sa mga madyikero ng Ermita, Manila.

 Para sa mga hindi pa nakaaalam sa mga madyikero, sila ‘yung mga manloloko, manggagantsong money changer sa kahabaan ng Ermita sa Maynila.

 Hindi maintindihan ng BITAG na sa kabila ng kaliwa’t kanang operasyon ng mga pulis at lokal na pamahalaan ng Maynila, pinamumugaran pa rin ng mga fly by night money changer ang lugar na ito.

Maliban pa ito sa mga kaliwa’t kanang pag-expose, pagbatikos at pagsasagawa ng operasyon ng mga investigative program sa telebisyon na kagaya rin ng BITAG.

 Palaisipan sa amin ang katapangan ng apog, lakas ng loob at tibay ng sikmura ng mga money changer na ito.

 Ang problema, makailang beses ng naipasara ang mga inirereklamong money changer na ito dahil sa dami ng kanilang biktima.

 Makalipas lamang ang isang linggo, magpapalit lamang ng pangalan o pintura ng kanilang puwesto, presto! Balik sa negosyo ng panloloko!

 Ilang beses mang magbigay ng babala ang law enforcement, kung patuloy na nakakapagnegosyo ang mga kawatang nagmamay-ari ng mga money changer na ito, tataas pa ang bilang ng maloloko. 

Kinakailangan na ng kamay na bakal na tutugis at tutuldok sa bisyo ng mga money changer na ito sa Ermita.

Nananawagan kami sa tanggapan ni Manila Mayor Alfredo Lim, na ilang beses na rin naming nakatrabaho.

 Handang makipagtulungan ang grupo ng BITAG sa ikalilinis ng Ermita, Manila, walisin, suyurin na ang mga manlolokong money changer!

Show comments