ALAM n’yo ba kung bakit todo-suporta si Senadora Miriam Santiago sa inisponsoran niyang RH bill? Takot na raw siyang mabuntis at baka masira ang kanyang pigura. Hindi lang daw utak ang fertile sa kanya eh. Dyok lang.
Kontrobersyal ang RH Bill dahil tinututulan ng mga paring Katoliko. Pero isang katotohanan na kahit wala pa ang batas na iyan, marami na ang nagpa-practice ng birth control kahit sa mga Katoliko.
Ang isyu ay kahirapan. Nakagugulat nga na kung sino yung mga mararalita ay siya pang maraming anak.
Ani Senadora, ang patuloy na pagsagka ng mga kapariang Katoliko sa panukalang batas ay inhustisya sa mga mahihirap. Dumako ka nga naman sa mga depressed areas na kinaroroonan ng mga tinatawag na informal settlers, doon mo makikita ang sangkaterbang bata na karamihan ay patpatin at malalaki ang tiyan dahil sa malnutrisyon.
Ang hirap lang kasi, ang sex ay isang basic appetite ng tao tulad ng pagkain. Kaya kung hindi mapigil ang panggigigil ng mag-asawa, dapat gumamit ng birth control method. Para sa mga Katoliko, rhythm method lang ang puwede at yung ibang artipisyal na paraan ay tinututulan dahil immoral daw.
Tumutuntong na sa 100 milyon ang populasyon ng bansa at hindi malaman ng gobyerno kung papaano mapagkakasya ang kakaunting kinikita ng pamahalaan para matulungan ang mahihirap. Naririyan ang conditional cash transfer na nagkakaloob ng ATM cards sa bawat pamilyang mahihirap pero ano ang nangyayari, pati ATM cards pala ay isinasanla.
Ako’y kaisa sa paniniwala na hangga’t sobra ang populasyon at hangga’t may umiiral na korapsyon sa pamahalaan, mahirap paunlarin ang ekonomiya. Dapat pagsabaying harapin ng Pangulo ang dalawang isyung iyan: Korapsyon at kahirapan.
Sa isyu ng korapsyon nakikita nating gumagalaw naman si P-Noy. Pero wala pang aksyon ang ating Kongreso sa isyu ng populasyon. Dahil ba natatakot ang ibang halal ng bayan lalu na sa mga mambabatas sa mga pari na maaa-ring manawagan ng boycott laban sa kanila sa darating na eleksyon?
Tingin ko kung gagawa ng honest survey sa mga Katoliko, marami ang papabor sa RH Bill.